Ni Marivic Awitan
Kung meron mang magandang pangyayari sa kanilang nakatakdang pagtatapat ng Globalport sa darating na semifinals ng 2016 PBA Philippine Cup, ito ay walang iba kundi batid nila kung sino ang dapat bantayan at depensahan sa Batang Pier, ayon kay Alaska coach Alex Compton.
Gayunman, ang ipinag-aalala ng Aces mentor ay ang kapasidad na mayroon ang koponan ng Globalport na umiskor.
“They can really score,” ani Compton nang tanungin kung ano ang bagay na kanyang pinangangambahan sa nakatakda nilang best-of-7 semis showdown ng Batang Pier.
Ayon kay Compton, tiyak na masusubok ng husto ang depensa nila kontra Globalport.
Ito ay dahil na rin aniya sa kakayahan ng mga manlalaro ng Batang Pier na makalikha ng sitwasyon sa loob ng court na nagsisilbing susi para sila makaiskor ng bakset.
Bagama’t dinurog nila ang Batang Pier sa kanilang nauang pagtatapat noong eliminations, 123-104, mula doon ay pinatunayan na ng tropa ni coach Pido Jarencio na kaya nilang bumangon at makipagsabayan sa iba pang mga mahuhusay na koponan ng liga kabilang na rito ang kanilang nakaraang panalo kontra Barangay Ginebra sa nakaraang quarterfinals.
Aminado rin si Compton na mabigat para sa kanila ang mapigil ng sabay-sabay ang apat na pangunahing manlalaro ng Batang Pier na sina Stanley Pringle, Terrence Romeo, Jay Washington at Joseph Yeo.
Ngunit sa kanilang mga nakaraang panalo, hindi lamang ang apat na ito ang nagsilbing pundasyon ng kanilang tagumpay kundi maging ang dobleng effort na ipinamalas ng kanilang mga big man partikular sina Doug Kramer at Billy Mamaril.
Gayunman, nangako si Compton na gagawin nila ng lahat gaya ng kanilang pilosopiya para sinumang koponan na kanilang makaharap ay kanilang matalo.”It would be tough, but we will try to beat any team in front of us.”