Ni REMY UMEREZ
TINUPAD ng pamunuan ng ABS-CBN ang pangakong ilulunsad ang aklat ni Anabelle Rama na may titulong ‘Day Hard, Lakas ng Loob, Kapal ng Mukha’ bago matapos ang taon.
Matagal na palang pinangarap ni Annabelle na sumulat ng aklat tungkol sa kanyang karanasan sa pag-ibig. As a result ay ganadung-ganado ang mommy ni Ruffa sa pagpo-promote nito sa mga talk show mula sa Headstart ni Karen Davila hanggang sa Mismo ni Jobert Sucaldito.
Ang pagiging colorful ng lengguwahe ni Annabelle ay damang-dama sa di-kakapalang pocketbook na naglalahad kung paano niya “pinana” ang puso ni Eddie Gutierrez na isang chick boy noong kabataan nila.
Walang prenong isiniwalat ni Rama ang ilang babaeng inaway niya para ipaglaban ang kanyang suko hanggang langit na pagmamahal kay Eduardo. Meron ding siyang ilang sinabunutan.
Sa panayam ni Boy Abunda noong Dec. 28, tiniyak ni Annabelle na kapupulutan ng aral ng sinumang babasa ang kanyang “true confession” lalo na sa mga bobita sa pag-ibig o ‘di kaya’y hiwalay sa asawa.
Sa Hollywood ay maraming celebrities ang sumusulat ng aklat at nagiging bestsellers. Ito ang special wish ni Rama sa pagpasok ng 2016. Bagamat available ang aklat sa National Book Store ay personal ding binebentahan ni Rama ang kanyang malalapit na kaibigan. Isa na rito si Donna Villa who bought 500 copies para ipamigay sa mga kaibigan.
Sa totoo lang, hindi masakit sa bulsa ang presyo ng aklat.
Ayon na rin kay Boy Abunda, easy reading ang ‘Day Hard at hahagikgik sa katatawa ang readers lalo na kung babashin ito habang nakaupo sa ‘trono’.