Usap-usapan ng mga netizen ang pag-share ng aktor na si Rommel Padilla sa isang post ng netizen na sumisita sa aktres na si Angel Locsin, sa ginawa naman niyang pagsita sa kapatid niyang si Sen. Robin Padilla.
Matatandaang biglang "nagising" sa kaniyang social media hiatus si Angel, madaling-araw ng Martes, Hulyo 16, at nag-react sa ulat ng Manila Bulletin patungkol sa sinabi ng senador na isa siyang "komunista," nang uriratin niya si Atty. Jeremy Lotoc sa pagsalang nito bilang testigo sa impeachment trial noong Martes, Hulyo 14.
Direkta niyang tinanong ang senador kung nasaan ito noong mga panahong siya umano ay nakararanas ng red-tagging kahit batid umano ni Padilla na hindi totoo ang mga paratang laban sa kaniya.
“Ang tanong ko lang, nasaan ka nung panahong nirered-tag ako kahit alam mong hindi totoo? Actually, kasama mo pa nga at kachikahan yung mga nangre-red-tag,” saad ng aktres.
Sinabi pa ni Angel na hindi na raw si "Robin Padilla" na kilala niya ang nabanggit na senador, kaya hinimok niya itong "gumising" na.
"Tama na, Kuya. Gising na. Hindi pa huli ang lahat," ani Angel.
Samantala, isang netizen ang nagsabing hindi raw nag-ingay si Angel sa ibang isyu kagaya ng pagbaha at flood control issue.
"Nag ingay c Angel Locsin sa issue ni Robin pero tahimik sya sa baha,Nakawan at flood control Angel ung pinagtanggol ni Robin enelect ng 32m Vs pansarili mong issue akala ko matalino pangdarna kalang pala talaga ding ang Bato," anang netizen.
Ni-re-share naman ito ni Rommel na kapatid ni Sen. Robin at ama ni Daniel Padilla.
"#ReaLTaLK," simpleng caption ni Rommel sa post.
Photo courtesy: Screenshot from Rommel Padilla (FB)
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Sen. Robin patungkol sa naging pahayag laban sa kaniya ni Angel.