Inihayag ng Department of Labor and Employment (DoLE) noong Miyerkules na dalawa pang kumpanya sa Taipei ang nakatakdang kumuha ng mga manggagawang Pilipino sa susunod na buwan.
Sinabi ni DoLE Secretary Rosalinda Baldoz na ang direct hiring ng mga manggagawang Pinoy ay bunga ng agresibong promosyon ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Taiwan.
Binanggit ang ulat ni Labor representative Atty. Llewelyn Diaz, sinabi ni Baldoz na isa sa dalawang kumpanya ay ang Nanya Plastics na ang mga ehekutibo ay bibiyahe sa Pilipinas simula Enero 13 hanggang 15 para magsagawa ng written examination at interview sa 150 aplikante.
“From the applicants who will qualify, Nanya Plastics will choose the top 50 workers for deployment before the second week of February. These will consist mostly of factory and production workers,” sabi ni Diaz sa kanyang ulat.
Ang pangalawang kumpanya, ang Top Union Electronics, ay nakapili na ng 20 registrant mula sa E-registration system ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), at humihiling sa POEA ng karagdagang detalye sa job experience ng mga manggagawa.
Sinabi ni Baldoz na kasalukuyang inaayos ng POEA ang online interview ng mga aplikante na isasagawa ng Top Union Electronics executives.
Bukod sa dalawang kumpanya, ipinabatid din ni Diaz kay Baldoz na isa pang Taiwan manufacturing firm, ang Powertech Technology Inc., ang sumubok sa posibilidad ng no-broker system sa pamamagitan ng kanilang re-hiring program.
“The first batch of the re-hired workers who did not pass through private brokers, composed of 27 workers, will arrive in Taiwan on the first week of January,” aniya.
Sa kasalukuyan ay mayroong 6,800 OFW na nagtarabaho sa Powertech Technology Inc.
Nagpahayag si Baldoz ng kasiyahan sa ulat at pinuri ang POLO Taiwan sa magandang trabaho sa pagsusulong ng International Direct e-recruitment System for the Special Hiring Program for Taiwan (SHPT-IDES).
“The SHPT-IDES addresses the long-standing issue of broker fees,” ani Baldoz. - PNA