COTABATO CITY – Nagkakaisang kinondena kahapon ng iba’t ibang sektor sa Mindanao ang pananambang sa isang TV news team sa Marawi City nitong Sabado, at tinawag ang insidente na isang “cowardly act” na isang malaking insulto hindi lamang ngayong holiday season kundi sa mga pagsisikap na isulong ang kapayapaan sa rehiyon.

Ipinag-utos na ng mga opisyal ng Lanao del Sur at Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang masusing imbestigasyon ng pulisya sa motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek sa pananambang sa news team ng ABS-CBN sa Banggolo, ang pangunahing commercial district ng Marawi City, dakong 12:40 ng hapon nitong Sabado.

Hindi nasaktan ang ABS-CBN reporter na si Ronie Enderes, na nakabase sa Iligan City; ang cameraman na si Lito Balansag; at ang driver na si Gary Montecillo, ngunit tadtad ng bala ang salamin ng kanilang service car matapos itong pagbabarilin ng mga lalaking nakasakay sa motorsiklo.

Sa naunang ulat, sinabi ni Enderes na napansin na nila ang dalawang motorsiklong may tigdalawang sakay na sumusunod sa kanila mula sa hangganan ng Marawi City at Ditsaan-Ramain sa Lanao del Sur matapos i-cover ng grupo ang pagpapabagsak sa pylon ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa lugar nitong Biyernes.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Partikular na kinondena nina Lanao del Sur Gov. Mamintal “Bombit” Alonto-Adiong, Jr., ARMM Gov. Mujiv Hataman, at ng pamunuan ng PNP-ARMM Press Corps at Kampilan Press Corps ang pananambang. (ALI G. MACABALANG)