Cast ng 'MBL' with Direk Joey copy

TULAD ng inaasahan, nanguna sa box office ang romantic-comedy movie na My Bebe Love #KiligPaMore sa 2015 Metro Manila Film Festival (MMFF) na pinagbibidahan nina Vic Sotto, Ai Ai delas Alas kasama ang phenomenal love team nina Alden Richards at Maine Mendoza. Ang movie, produced ng OctoArts Films, M-Zet Television Productions, Inc., APT Entertainment, GMA Films at Meda Productions, ay mula sa direksiyon ni Jose Javier Reyes who co-wrote the script with Bibeth Orteza.

Mag-ama sa story sina Vic as Vito at Maine as Anna, at pamangkin naman ni Ai Ai as Cora si Alden as Dondi.

Magkalaban sa larangan ng special events and productions sina Vito at Cora kabaligtaran ng romantically linked na sina Dondi at Anna. Parehong tutol sina Vito at Cora sa relasyon pero ano ang mangyayari kung sila naman ang na-in love sa isa’t isa, paano ito tatanggapin nina Dondi at Anna? Pumasok pa ang special guests na si Joey de Leon at ang tatlong lola sa kalye serye ng Eat Bulaga na sina Jose Manalo, Wally Bayola at Paolo Ballesteros, Ryzza Mae Dizon at ang Dabarkads.

Trending

Mag-jowa naghiwalay na, na-engage na sa iba pero MRT-7 hindi pa rin daw tapos

Isang feel-good movie para sa mga young at young-at-heart na sinuportahan ng fans nina Vic at Ai Ai at ng AlDub Nation nina Alden at Maine kaya marami agad ang nagsabi na sigurado na itong mangunguna sa takilya. May unofficial report na lumabas noong first day showing nitong Christmas day, na kumita ito sa SM cinemas pa lamang, nationwide, ng P29.3 million at ang The Beauty and The Bestie nina Vice Ganda at Coco Martin ng P 25.3 million. Kung magkano talaga ang kinita o official box-office returns ng bawat pelikulang kalahok sa festival ay tanging sa MMFF lamang maaaring manggaling. Mamayang gabi ang Gabi ng Parangal ng MMFF na gaganapin sa Kia Theater sa Araneta Center sa Cubao, Quezon City. Tiyak na doon magkakaroon ng announcement ng official box-office returns.

Maraming aberyang nangyari sa first day showing ng mga pelikula na naka-post sa Twitter at may mga personal ding text kaming natanggap. Unang pinalagan ng AlDub Nation ang diumano ay nakapila na sila sa Robinson’s Magnolia at saka sinabing walang first at second screening ng My Bebe Love at 3:00 PM na raw ang screening. Ganoon din sa Fisher Mall. Ibig sabihin, nabawasan na ng kita ang movie, samantalang nag-post din sila na ang ibang theatres ay nagsimula na ang screening as early at 10:40 AM. May isa ngang sinehan na ang ibang movies ay tigpitong screenings, habang ang My Bebe Love ay three screenings lang.

Pero ang ikinasama talaga ng loob ng AlDub Nation, gayong My Bebe Love ang panonoorin nila, ang ticket umanong ibinigay ay para sa Beauty and The Bestie. Nagsimulang mag-report ang mga nanood sa SM Bacoor at tinawag nila itong scam. Iyong iba na agad napansin na mali ang ibinigay na ticket ay nakapagreklamo kaya pinalitan. Ang iba na hindi agad napansin ang ticket hindi na nakapagreklamo. Pero bakit tinanggap ito ng mga portera? May mga nag-post ng copy ng maling ticket na ibinigay sa kanila, as far as SM Bacolod. May report ding ganoong kaso ng mga nanood sa Trinoma. 

Ang huli naming nabasang post from SM Angono in Rizal, ayaw na umano silang pagbilhan ng ticket ng My Bebe Love, wala na raw, kung gusto ay ang Beauty and The Bestie na lamang ang panoorin nila dahil may ticket pa. May reported ding ganitong kaso sa iba pang sinehan.

Kung noong una ay nag-post si Direk Joey na spread good vibes dahil Pasko, kinahapunan ay nag-post na rin siya ng, “From the producers, It is True!” Maging cautious na raw lamang ang AlDub Nation, tingnan muna ang binili nilang ticket, i-report ang anomalies o take pictures and post it in social media. Saka siya nagpasalamat sa lahat ng mga nanood at sumuporta sa My Bebe Love #KiligPaMore. (Editor’s note: Inilabas namin ang thread sa Showbiz Chism tungkol sa post na ito ni Direk Joey sa Reader’s Corner sa pahina 10). (NORA CALDERON)