CAGAYAN DE ORO CITY – Isang alkalde na sinibak kamakailan ng Office of the Ombudsman ang napilitang lisanin ang kanyang bayan dahil sa hindi tumitigil na pagbabanta sa kanyang buhay, kahit pa inakusahan niya ang mga kaaway niya sa pulitika na nasa likod ng mga pagbabanta.

Sinibak sa serbisyo ng Office of the Ombudsman si Ditsa-an Ramain Mayor Ali Untao Adiong dahil sa grave abuse of authority, grave misconduct at oppression sa desisyon nito na may petsang Pebrero 20, 2015.

Sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Aimee Neri Torre Franca, ilang beses na umapela si Adiong sa Ombudsman sa pamamagitan ng motion for reconsideration, bukod pa sa temporary restraining order na hiniling niya sa Court of Appeals. Kapwa nakabimbin pa ang mga apela para sa resolusyon.

Sinabi ni Torre Franca na natiyak na nila ang seguridad ni Adiong sa Northern Mindanao at pansamantala ay hindi ito maaaring bumalik sa Ditsa-an Ramain para na rin sa seguridad ng alkalde.

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

“Mayor Adiong has been receiving threats from his political foes. May mga threats na nare-receive. That’s why andito nga siya, eh. We secured him here. Ayaw muna namin siyang pauwiin sa municipality unless ma-restore and peace and order doon, because kung makikita nila (ng mga kaaway) si Mayor doon, ang laking gulo,” sabi ni Torre Franca.

Sinabi pa ni Torre Franca na nakapanumpa na sa tungkulin bilang bagong alkalde ng bayan si Vice Mayor Anna Mahlyne Abedin Macarampal noon pang Nobyembre 10, 2015, kahit na hindi pa natatanggap ng Department of Interior and Local Government-Autonomous Region in Muslim Mindanao (DILG-ARMM) ang kopya ng dismissal mula sa Ombudsman.

Nag-ugat ang kaso sa reklamong iniharap ni Sultan Ashary Maongco, general manager ng Lanao del Sur Eelctric Cooperative, Inc. (Lasureco), laban kina Mayor Adiong, Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong at Senior Insp. Jamal Christopher Adiong para sa grave abuse of authority, grave misconduct at oppression.

Kinasuhan ni Maongco ang alkalde sa umano’y pag-uutos na sunugin ang isang truck ng JERA General Construction, na contractor sa pagkakabit ng mga distribution line ng Lasureco.

Nadawit ang gobernador dahil ipinag-utos umano nito ang pambobomba sa Lasureco compound, habang kinasuhan naman ni Senior Insp. Adiong sa pagdetine umano sa pitong empleyado ng kumpanya.

Ibinasura ng Ombudsman ang mga kaso laban kina Gov. Adiong at Senior Insp. Adiong.

Sa kabila ng desisyon ng Ombudsman at sa mga banta sa kanyang buhay, kandidato sa pagkaalkalde si Mayor Adiong sa susunod na taon. (Camcer Ordonez Imam)