Nananatiling palaisipan sa mga awtoridad ang naganap na pamamaril sa isang 63-anyos na babae habang nagmamaneho ng kanyang sports utility vehicle (SUV) sa San Juan City noong Disyembre 24.

Sinabi ni Senior Supt. Roberto Alanas, officer-in-charge ng San Juan Police Station, wala ring natanggap na death threat ang biktima na si Susan Tan Uy bago naganap ang pamamaslang.

“Nakausap naming ang kapatid ng biktima at kanyang dalawang anak, ang isa sa kanilang ay nurse sa Singapore, subalit wala rin silang masabi hinggil sa nangyaring pagpatay kay Uy,” pahayag ni Alanas.

Hindi rin makonsidera ng pulisya na robbery ang motibo sa pagpatay kay Uy, na isang housewife, dahil hindi tinangay ang kanyang gamit sa pagtakas ng dalawang salarin sakay ng isang motorsiklo.

Lacson, tila nagpatutsada sa ilang nag-file ng COC: 'The following are not disqualified...'

Subalit umaasa ang pulisya na nakunan ng closed-circuit television camera ang insidente na maaaring makatulong sa pagkakaaresto ng mga suspek.

Minamaneho ni Uy ang kanyang Toyota RAV-4 nang dikitan ito ng dalawang suspek sa driver’s side bago pinaputukan ang biktima ng ilang ulit.

Bagamat may tama na ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan, tinangka pa rin ni Uy na paandarin ang kanyang SUV subalit ito ay inabutan pa rin ng mga suspek saka muling niratrat.

Ideneklarang dead on arrival si Uy sa Cardinal Santos Hospital, ayon sa police report. - Betheena Kae Unite