MASASABING isa nang bukas na aklat ang gobyerno dahil sa pag-unlad ng teknolohiya sa komunikasyon at impormasyon, na naging daan upang mabatid ng mamamayan ang dahilan ng pagtaas, halimbawa, ng pasahe, presyo ng bilihin at maging ang haba ng panahong kailangang gugulin ng kanilang mga anak sa paaralan.

Bukod sa mga opisyal na pahayag, agad na nakararating sa kaalaman ng publiko ang mga pasya, polisiya at programa na ginagawa ng gobyerno sa pamamagitan ng mga website o social media.

Sa kabilang dako, nagiging matalino rin ang pagsusuri at pagpuna ng mga kritiko sa nasabing mga desisyon at programa.

Ang katangiang ito ng ating demokrasya ay makatutulong din sa mga kandidato sa pagkapangulo sa 2016, dahil ngayon pa lang ay pamilyar na sila sa mga aktibidad ng pamahalaan simula noong 2010. Alam nila kung aling mga desisyon at programa ang pinupuna dahil sa mga pagkukulang, at ang mga programang naging matagumpay.

Sa aking pananaw, makatutulong ang kaalamang ito upang bumuo ang mga kandidato ng sariling plano sa pagkilos pagkatapos ng halalan.

Naniniwala ako na ngayon pa lang ay dapat na may kani-kanyang grupo ng mga ekspertong tagapayo sina Vice President Jejomar Binay, dating Interior and Local Government Secretary Mar Roxas, Senators Grace Poe at Miriam Defensor-Santiago, at Mayor Rodrigo Duterte, na magsusuri sa kasalukuyang mga programa at patakaran ng pamahalaan, at bumubuo ng mga bagong programa na isusulong sakaling magwagi.

Magandang halimbawa ang programang conditional cash transfer (CCT) at ang Public-Private Partnership (PPP). Batay sa kanilang mga pahayag, naniniwala ako na patuloy na susuportahan ng mga kandidato sa pagka-pangulo ang CCT at ang PPP.

Ang CCT ay isang programa na dapat ipagpatuloy ng kahit aling administrasyon dahil nakatutulong sa mga maralita.

Ang PPP ang sana ay pangunahing programa sa pagpapaunlad ng imprastruktura, ngunit sa maraming naging balakid sa mabilis na pagsasagawa ng mga proyekto sa ilalim ng PPP. Mula nang ilunsad ang programa, ang Daang Hari-SLEX link lang ang natapos na proyekto.

Ngunit nakalatag na ang programa, may mga proyekto na nabigyan na ng kontrata at marami pa ang naghihintay ng pagsasakatuparan.

Maganda ring ipagpatuloy ang PPP ngunit kailangan ng mga pagbabago upang mapabilis ang pagtatayo ng mga imprastruktura.

Sa aking pananaw, ang ganitong paninindigan ay makababawas sa agam-agam ng pribadong sektor na magkakaroon ng radikal na pagbabago sa pamahalaan sa ilalim ng bagong pangulo.

Maaasahan na magkakaroon ng ibang sistema ang sinumang mananalo, ngunit hindi ako naniniwala na maaapektuhan nito ang pagpapatakbo sa kabuhayan ng bansa.

Dahil dito, may bagong luluklok sa Palasyo ng Malakanyang sa Hunyo 2016, ngunit magpapatuloy ang pamahalaan sa pagsusulong sa ekonomiya, kapayapaan at mas mabuting buhay para sa mga Pilipino.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sawww.mannyvillar.com.ph) (MANNY VILLAR)