Sugatan ang isang dalawang taong gulang na lalaki makaraan siyang saksakin ng sariling ina habang natutulog sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Ang biktima ay kasalukuyang ginagamot sa Mary Johnston Hospital dahil sa mga tinamong saksak sa likod.

Samantala, nasa kustodiya na ng Manila Police District (MPD)- Station 2, ang suspek na si Ethelyn de Leon, 21 anyos.

Sa salaysay sa pulisya ng ama ng suspek na si Edilberto, dakong 1:46 ng umaga nang maalimpungatan siya nang marinig na nagpapalahaw ng iyak ang kanyang apo na katabing natutulog ng suspek sa loob ng kanilang kuwarto.

Internasyonal

Madir ng empleyadong namatay dahil ‘overworked’ kinalampag ang boss, ‘di nagpunta sa funeral

Nang tingnan, nangilabot si Edilberto nang makitang hawak ng kanyang anak ang isang kutsilyo habang duguan naman ang nag-iiiyak na paslit.

Hindi na nag-aksaya ng oras ang lolo at kaagad na isinugod ang apo sa pagamutan habang dinala naman sa presinto ang suspek.

Ayon kay Supt. Rennie Geronimo, habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa nila batid kung bakit nagawa ng suspek na saksakin ang sariling anak.

Aniya, hindi pa nila makausap nang maayos ang suspek at hinihintay pa nila ang mga magulang at kapatid nito.

Matagal na umanong hiwalay sa kanyang kinakasama ang suspek kaya nasa poder ito ng kanyang mga magulang.

(Mary Ann Santiago)