GENERAL TRIAS, Cavite – Opisyal nang iprinoklama ng Commission on Elections (Comelec) nitong Sabado ang first class municipality na ito bilang isang component city matapos isagawa ang plebisito nang araw din na iyon.

Dahil sa nasabing proklamasyon, ang munisipalidad, na tinatawag na “GenTri” ang ngayon ay ika-145 na lungsod sa bansa at ikapito naman ng Cavite, kahilera ng Cavite City, Tagaytay, Trece Martires, Dasmariñas, Bacoor at Imus.

Ang deklarasyon ay ginawa nina Atty. Juanito V. Ravanzo, Jr., Cavite Provincial Commission on Elections supervisor; Comelec Region IV-A Director Juanito O. Icaro; at Deputy Executive Director for Operations Bartolome J. Sinocruz sa harap ni Mayor Antonio “Ony” Ferrer, ng nakababata niyang kapatid na si Sixth District Rep. Luis “Jonjon” Ferrer, at ni Vice Mayor Maurito “Morit” Centeno Sison, mga konsehal at iba pang taga-General Trias.

Ayon sa Comelec canvass report, ang kabuuang bilang ng bumoto ng “yes” sa plebisito ay nasa 15,037, habang 490 lang ang bumoto ng “no”.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Gaya ng inaasahan, kakaunti lang ang bumoto sa plebisito. Sinabi ni Provincial Comelec Chief Ravanzo na 11 porsiyento ng botante sa munisipalidad ang nagtungo sa 24 na polling center.

May 132,121 rehistradong botante sa 33 barangay ng munisipalidad. (Anthony Giron)