Mga laro ngayon
Araneta Coliseum
3 pm Mahindra vs. Globalport
5:15 pm San Miguel vs.Talk N Text
Naktuon ang San Miguel Beer kung paano patatagin ang kapit sa liderato para makasiguro sa outright semis berth habang asam ng Globalport ang bentaheng twice-to-beat papasok ng quarters sa pagpapatuloy ng 2016 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.
Makakalaban ng Beermen sa tampok na laban ganap na 5:15 ng hapon ang delikadong Talk ‘N Text na may tsansa pa sa No.4 slot at sa bentaheng twice-to-beat kung mabibigo ang Batang Pier sa unang salpukan kontra ousted na Mahindra Enforcers, ganap na 3:00 ng hapon.
Hawak ang barahang 8-1, nagsosolo sa pangingibabaw ang Beermen na kagagaling lamang sa panalo kontra NLEX Road Warriors habang nasa likuran lamang ng Batang Pier ang Tropang Texters na naiiwan lamang ng isang panalo sa hawak nitong kartadang 5-3, panalo- talo.
Kagagaling lamang ng Tropang Texters sa 95-85 panalo kontra dating lider Rain or Shine sa nakaraan nilang laban.
Sakaling mabigo, bibigyan ng pag-asa ng defending champion Beermen para sa outright semifinals slot ang Rain or Shine na kasalukuyang nasa ikatlong puwesto hawak ang kartadang 6-2.
Ganito rin ang inaantabayanan ng Tropang Texters sa sinusundang Batang Pier na posibleng mapuwersa nila sa playoff sakaling magtabla sila sa pagtatapos ng eliminations para sa 4th seed na may itinalagang twice to beat incentive sa quarters kasama ng 3rd seed.