ILOILO CITY – May kabuuang 23 hepe ng pulisya sa Western Visayas ang nahaharap sa mga kasong administratibo sa kabiguang magsagawa ng kahit isang tagumpay na operasyon laban sa ilegal na droga.
Sinabi ni Chief Supt. Bernardo Diaz, director ng Police Regional Office (PRO)-6, na ang 23 hepe ng pulisya ay tinanggal na sa kani-kanilang puwesto habang inihahanda ang summary hearing laban sa kanila.
Ang 23 hepe ng pulisya ay tinukoy ng Regional Investigation and Detective Management Division (RIDMD) sa PRO-6 sa kawalan ng accomplishment sa operasyon kontra ilegal na droga simula Enero hanggang Hulyo 2015.
Ang mga sinibak sa puwesto ay mula sa Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, Iloilo, at Negros Occidental.
Sinabi ni Diaz na dapat na magsilbi itong babala at aral sa mga hepe ng pulisya na walang ginagawa upang sugpuin ang ilegal na droga na kani-kanilang nasasakupan. (Tara Yap)