WALANG duda na nangunguna sa karera si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa darating na presidential election sa Mayo 2016, sa kabila ng mga isyung ipinupukol sa kanya kaugnay sa kanyang pambabae, at human rights violation.

Maraming nagugulat sa mga ipinahahayag ni Duterte ngunit ayon sa behavioral analysts, malakas ang dating ng alkalde dahil sa kanyang katapatan, pagiging taklesa, at pagnanais na puksain ang mga kriminal na kung saan sabik na sabik ang mga tao dahil sa dinaranas na kabiguan at pangakong hindi natupad ng mga nagdaang tagapamuno.

Nais ng mga tao ng totohanang pagbabago at payag silang sumugal kay Duterte. Kahit wala pang malinaw na economic program, umaasa ang mahihirap na Pilipino na mahihinto ang pagtaas ng mga bilihin, mapagkakalooban ng kabuhayan at mas maayos na suweldo, pabababain ang buwis, sisiguruhin ang kanilang kaligtasan mula sa mga masasamang loob at oportunista, at tutulungan na mapaunlad ang buhay.

Inaasahang magkakaroon ng kapayapaan at kaayusan sa ilalim ng pamumuno ni Duterte, umaasa ang mga Pilipino ng makabuluhang pagbabago.

****

Ang 250-hektaryang man-made mangrove forest sa Kalibo, Aklan ay pumupukaw ng mga libu-libong turista mula sa iba’t ibang bansa dahil sa kakaibang ganda. Ang proyektong ito ay pinamumunuan ng isang grupo sa pangunguna ni Dr. Allen Salas Quimpo, dating Kalibo Mayor at Aklan Congressman. Kamakailan lamang, nakipagtulungan sila kay Ariel Abriam, retired US naval officer at enterprising entrepreneur, na umako sa responsibilidad sa pamamalakad ng negosyo.

(JOHNNY DAYANG)