HINATULAN kahapon ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakabilanggo ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) ang isang houseboy na pumaslang sa ina ng aktres na si Cherry Pie Picache noong 2014.

 

Si Michael Flores, 30, ay napatunayan ng hukuman na nagkasala sa kasong robbery with homicide dahil sa pamamaslang kay Zenaida Sison, 75, ina aktres noong Setyembre 2014.

Sa rekord ng hukuman, ang insidente ay naganap sa loob ng bahay ng biktima sa Dr. Lazcano St., Barangay Paligsahan, Quezon City dakong 3:00 ng madaling araw.

Tsika at Intriga

Nadia Montenegro sa paglaya ni Ricardo Cepeda: 'Finally, an innocent man is free!'

 

Inamin ni Flores sa hukuman na bago siya nagtungo sa bahay ni Sison ay gumamit muna siya ng shabu.

 

Nang makapasok sa bahay si Flores sa tulong ng screwdriver ay tinangay nito ang salapi at ilang alahas ng biktima.

 

Nang magising ang biktima ay nakita nito si Flores kaya’t nagsisigaw sa paghingi ng tulong na naging dahilan upang paslangin ito ng suspek na armado ng patalim. (ROMMEL P. TABBAD)