SA Guatemala, inihalal ang isang komedyante bunsod ng frustration o labis na kawalang-pag-asa sa pamamahala ng kanilang mga traditional leader/politician. Laganap ang kurapsiyon, kahirapan, drug addiction at kriminalidad kung kaya ang ibinoto ng mga Guatemalan ay isang comedian at ito ay si Jaime Morales na kontra sa mga kalabang pawang mayayaman--ang dating First Lady ng kanilang bansa at isang sikat na businessman.

Iniluklok nila bilang president ang isang komedyante sa pelikula na si Morales, 48 anyos, na nagpapahalakhak sa kanila sa kabila ng matinding panggigipuspos sa nadaramang kagutuman, kahirapan, kawalang-trabaho at laganap na kriminalidad.

Si Morales ay kababayan ng kumpare kong Guatemalan na si Edgar Alvarez na nakapag-asawa ng isang Pinay, si Alice, na kamakailan ay dumalaw sa Pilipinas. Pag kami ng ex-GF ko ay napupunta sa US, sila ang nagdadala sa amin sa magagandang lugar sa bansa ni Uncle Sam.

Pagdating sa ‘Pinas, na iniibig na bansa ni Tata Clemen, namamayagpag ngayon ang kandidatura ng palamurang alkalde ng Davao City, si Rodrigo Duterte. Akalain ninyong naipit lang sa trapik nang dumalaw si Pope Francis noong Enero sa imbitasyon ni PNoy, eh walang habas na minura ang Santo Papa. Bakit, siya lang ba ang naipit sa trapik? ‘Di ba’t ipinagbunyi ng sambayanang Pilipino ang lider ng may 1.5 bilyong Katoliko?

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Katambal ni Mayor Duterte ang senador ng Taguig City na si Alan Peter Cayetano na parang linta na laging nakadikit sa kanya. Matalino at magaling na mambabatas si Cayetano pero dahil sa inaasal ng kanyang katambal sa halalan, baka pulutin siya sa kangkungan. Samakatwid, ang kanilang tambalan ay tatawaging TE-TANO (DuterTE-CayeTANO) para sa 2016 election. Bulong ng kaibigan kong senior-jogger, iwas tayo diyan, baka tayo matetanong lahat.

Kapag nagkataon at hindi nakapag-isip nang husto ang mga botante dahil hanga sila sa pagmumura ni Digong, gaya ng pagmumura sa drug pushers at smuggler, pagputol ng bayag sa rapist-murderers, at pagpapapakain sa isda sa mga bulok na pulitiko, baka ang maihalal ng taumbayan ay isang palamura, babaero at mamamatay-taong presidente!

Talaga bang marumi ang pulitika sa Pilipinas na isang bansang Katoliko? Ito ay nangyayari ngayon kay Sen. Grace Poe na ayaw tantanan ng panggigipit at pagsasaboy ng putik ng kanyang mga kalaban. (BERT DE GUZMAN)