April 20, 2026

Home BALITA Metro

Mga naaresto sa ikinasang 'Safer City Initiative' ng DILG, pumalo na ng 24,000!

Mga naaresto sa ikinasang 'Safer City Initiative' ng DILG, pumalo na ng 24,000!
Photo courtesy: Paranaque Police Station/FB

Umabot na sa mahigit 24,000 indibidwal ang naaresto ng pulisya sa unang dalawang araw ng pagpapatupad ng Safer Cities Initiative ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Metro Manila, ayon sa ulat ng mga opisyal nitong Miyerkules, Abril 8, 2026.

Karamihan sa mga nahuli ay sangkot sa pag-inom ng alak at paninigarilyo sa pampublikong lugar. Sinundan ito ng mga indibidwal na walang suot na damit pang-itaas sa publiko, gayundin ang mga menor de edad na lumabag sa curfew.

Naitala rin ang mahigit 500 pag-aresto dahil sa paglabag sa mga ordinansa laban sa late-night karaoke.

Ayon kay Hazel Asilo, tagapagsalita ng National Capital Region Police Office (NCRPO), higit sa 200 katao ang pormal nang sinampahan ng kaso, habang mahigit 6,000 ang pinagmulta at nasa 18,000 naman ang binigyan ng babala.

Lumampas na sa ₱5.6 milyon ang kabuuang halagang nakolektang multa, na ililipat sa mga lokal na pamahalaan sa buong Metro Manila.

Metro

Postal ID, puwedeng makuha same day sa pagproseso nito sa SM Manila

Ang Safer Cities Initiative, na inilunsad ni DILG Sec. Jonvic Remulla, ay bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad na naglalayong ipatupad ang mga lokal na ordinansa at mapanatili ang kaayusan sa Metro Manila.

Matatandaang noong Lunes, Abril 6, nang ilatag niya ang mga pagbabawal na tututukan umano ng kapulisan sa Metro Manila at iba’t ibang panig pa ng bansa.

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga ikinasang pagbabawal ng DILG sa mga lansangan at lokalidad

Ayon kay Remulla, mahigpit na nilang ipinagbabawal ang mga inuman sa kalye at gayundin ang pagse-set up pa raw ng mga lamesa at upuan sa kalye para lamang mag-inuman.

Diretsahan ding pinuna at ipinagbawal ni Remulla ang mga lalaking naka-topless sa kalye o hindi naman kaya ay naka-topless habang mga nakatambay lamang.

KAUGNAY NA BALITA: 'Magbihis naman kayo!' DILG, huhulihin na mga lalaking hubad sa kalye

Bagama’t palalampasin ang mga magvi-videoke tuwing may selebrasyon o fiestahan, mariing nilinaw ni Remulla na maaaring tumawag sa 911 ang sinumang naaabala ng mga videoke na lalampas sa 10:00pm sa mga araw na wala namang selebrasyon at ginawa na lang daw hobby ang pagkanta sa videoke sa lampas na oras ng pagpapahinga.

Ibinida rin ng ahensya ang enhanced curfew ordinance na nagbabawal sa mga menor de edad na magpakalat-kalat sa lansangan na lampas sa itinadakdang curfew hours na 10:00 pm.

KAUGNAY NA BALITA: ‘Yung mga geng geng d’yan!’ DILG, huhulihin mga menor de edad na lalabag sa ‘curfew hours’

Nakahanda rin umanong tapatan ng mga awtoridad ang sinumang maghahamon ng away at gulo sa mga lugar na kadalasang dinadayo sa Metro Manila para magsaya at magkatuwaan.

KAUGNAY NA BALITA: 'Puntahan n'yo ko, anytime!' SILG Remulla, may mensahe sa mga naghahanap ng away