Nanawagan si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na ibaba sa 10% ang Value-Added Tax (VAT) para sa mga presyo ng bilihin o isuspinde na lang ang VAT sa langis.
Ayon sa inupload na video statement ni Leviste sa kaniyang Facebook page nitong Miyerkules, Abril 8, 2026, sinabi niyang ang Pilipinas raw ang isa sa mga may pinakamataas na presyo ng langis sa Asya dahil sa idinaragdag na buwis ng pamahalaan.
“Ang Pilipinas ay isa sa may pinakamataas na presyo ng langis sa Asya dahil sa buwis na pinapataw ng ating gobyerno,” pagsisimula niya.
Screenshot mula sa FB post ni Leviste.
Ani Leviste, lalo raw nagpapamahal sa presyo ng langis ang kasalukuyang 12% na VAT na ipinapatong ng pamahalaan.
“Habang ang ibang bansa ay nagbibigay ng subsidiya para pababain ang presyo ng langis, ang Pilipinas ay may pinapatong na 12% VAT na lalo pang nagpapamahal sa langis,” aniya.
Anang mambabatas, napatunayan na raw na limitado lang ang kakayahan ng pamahalaan na magbigay ng ayuda sa mamamayan kaya mas maganda raw na bawasan na lang ang mga idinaragdag na buwis.
“Napatunayan na rin na limitado ang kapasidad ng gobyerno na magbigay ng ayuda, kaya mas mabuting bawasan na lang ang buwis para direktang makatulong sa tao,” diin niya.
Mungkahi niya, ibaba raw sa 10% ang VAT sa lahat ng mga presyo ng bilihin o isuspinde na lang ang VAT sa langis.
“Malinaw ang solusyon: Ibaba ang VAT sa 10% para sa lahat ng bilihin, o isuspinde ang VAT sa langis,” saad niya.
Buwelta niya, may paraan daw kung gugustuhin ng pamahalaan ang panukala niyang ito at hindi raw siya titigil hanggang hindi napapababa ang VAT.
“Kapag gusto ng gobyerno, may paraan, tulad ng pagbawas ng gastos at pangongolekta ng mas progresibong buwis,” ‘ika niya.
“Ipakita natin sa gobyerno na marami tayong sumusuporta rito at hindi tayo titigil hangga't hindi napapababa ang VAT,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na direktang tugon, reaksyon, o pahayag ang pamahalaan kaugnay rito.