‘TILA masyado na tayong nalilibang sa kung anu-anong bagay. Pulitika, holdapan, graft and corruption, kidnapan ng Abu Sayyaf, BBL, at kung anu-ano pa. Ngunit ‘tila naliligaw naman tayo ng pinag-uukulan ng pansin. Nakakaligtaan natin ang mas mahalagang bagay. Na naghahatid sa atin sa panganib ng buhay at kamatayan.

Ang tinutukoy ng kolumnistang ito ay ang palubha nang palubhang climate change, na nararanasan hindi lamang ng bansa kundi ng buong mundo.

Nalilibang tayo sa kalyeserye nina Alden at Yaya Dub, samantalang ang ating kapaligiran ay nanganganib sa pagdating ng lumulubhang kalamidad na likha ng climate change. At ito ay nakatawag-pansin na ng iba’t ibang bansa na naging dahilan ng pagkakaroon ng pagtitipun-tipon ng 150 bansa sa Paris.

Nitong Lunes, sinimulan na ang ika-121 session na tinawag na Conference of the Parties o COP21 sa Paris para talakayin ang bagong pandaigdigang kasunduan tungkol sa climate change. Layunin ng lilikhaing kasunduan na mabawasan ang green house gas emissions at iwasan ang banta ng panganib ng warming o pag-iinit ng mundo dahil na rin sa kagagawan ng sangkatauhan. Walang duda ang nakaambang panganib ng climate change na sanhi ng tinatawag na global warming.

Ngunit papaano mababawasan ito samantalang ito ay bunga ng isinasagawang industriyalisasyon, lalo na sa mayayamang bansa?

Naranasan na natin ang lupit nito sa pamamagitan ng malalakas na bagyo, tulad ng ‘Yolanda’, ‘Ondoy’, at iba pa.

Naranasan na rin natin ito sa malakas na lindol sa Bohol. At ‘yan, kumbaga sa ulam, ay patikim pa lamang.

Kung hindi magkakabunga ang pagpupulong na ‘yan sa Paris, kung ang mangyayari lang ay puro bunganga, pangako, at pagbibingi-bingihan ng mauunlad na bansa na pangunahing tagapagkalat ng lason para uminit ang mundo, huwag na tayong umasa na magtatagal ang mundong ito, at tayo’y maghintay na lang ng tamang panahon. (ROD SALANDANAN)