Lumapit ang 2013 overall champion Quezon City sa posibleng pag-uwi sa overall crown matapos itala ang pinakamaraming naiuwing gintong medalya sa ginaganap na 2015 Philippine Olympic Committee-Philippine Sports Commission (POC-PSC) Batang Pinoy National Championships.

Isang araw bago ang pagtatapos ay bitbit ng Big City ang 54 ginto, 51 pilak at 28 tanso para sa 133 medalya habang kasunod ang Baguio City na may 33-9-27=69 (ginto-pilak-tanso) sa ikalawa habang ikatlo ang host at 2014 overall champion Cebu City na may 26-28-28=83 medalya.

Nasa ikaapat ang Davao (12-15-19=46) habang ikalima ang Province of Cebu (11-11-23=45). Ikaanim ang Mandaue City (10-3-7=20) habang ikapito ang South Cotabato (10-3-4=17). Ikawalo ang Pangasinan (9-14-19=42), ikasiyam ang Iligan City (9-5-10=24) at ikasampu ang Muntinlupa City (9-4-6=19).

Samantala, nag-uwi ng tig-limang ginto ang Province of Pangasinan at Cebu Province sa kabuuang 41 pinaglabanan sa sports na Karatedo. May tig-apat ang Laguna Province at Bacolod City habang may tatlo ang Taguig.

Hidilyn Diaz, Sonny Angara, nagpulong; weightlifting raratsada na sa Palarong Pambansa?

Iniuwi ng Cebu ang gintong medalya sa Boys 3x3 matapos talunin ang kapwa host na Mandaue habang napunta ang ginto sa girls division sa Davao na tinalo ang Sta. Rosa, Laguna.

Napunta ang gintong medalya sa boys standard chess kay Chris Aldritz Pondoyo ng Manila sa tinipon nitong anim na puntos habang iniuwi ni Manilyn Cabungcag ng Visayas sa tinipon nitong 5.5-puntos.

Pitong ginto naman ang iniuwi ng isa sa tatlong host na siyudad na Mandaue City sa full contact arnis habang may apat ang Davao Del Norte at tatlo sa Iligan City. May tig-dalawa ang Bago City, Muntinlupa at Cebu City.

Habang isinusulat ito ay isasagawa ang 18 laban sa kampeonato sa boxing kung saan aasa ng ginto ang Leyte Sports Academy (4 boxers), General Santos (3), Panabo City (3), Cagayan De Oro (3), Cebu Province (3), Baguio (2), Labangan (2) at ang South Cotabato (2).

Sinungkit ng Cebu City ang lima sa 12 gintong nakataya sa paborito nitong sports na Dancesports habang may apat naman ang Cebu Province. Tanging nakaagaw ng tig-isang ginto ang Anitpolo, Davao at Tacurong.

Tinanghal din sina Gianelli Gatinga sa girls at Veruel Verdadero sa boys bilang Most Outstanding Athlete ng 2015 Batang Pinoy Cebu sa athletics.

Ang 15-anyos na si Gatinga ay kinumpleto ang kanyang ikalima at huling paglalaro sa torneo sa pag-uwi ng tatlong ginto sa pagbura sa kanyang sariling personal best meet record sa Long Jump (5.30m), pinantayan ang kanyang meet record na 11.64m at tinulungan ang koponan sa ginto sa 4x100m.

Nagwagi naman ng dalawang gintong medalya sa cycling si Aaliya Ricci Mataragnon ng Olongapo matapos nitong magwagi sa 38 kilometrong girls 14-15 massed start sa loob ng isang oras at isang minuto. Ikalawa si Myra Acedo ng Davao (1:10:00) habang ikatlo si Veronica Deldio ng Olongapo City (1:20:00).

Nanalo sa 38km massed start boys 14-15 category si John Rey Bucatt ng Pangasinan(49:29.046s) kasunod si Yuan Chiongbian ng Cebu (49:29.048s) at ikatlo si Luis Krog ng Caloocan (49:29.048s).

Napunta ang ginto sa girls 11-13 criterium kay Maritoni Krog ng Caloocan (5:53”90s) habang ikalawa si Catherine Angeli Yu ng Cebu City (6:05”14s) at ikatlo si Micaella Barlin ng Iloilo City (6:05”42s).

Wagi sa boys 11-13 Individual Time Trial si Jose Manuel Valdivia ng Pangasinan (11:05”127s) kasunod si Modesto Nicolas ng Pangasinan (12:29”235s) habang ikatlo si Cliford Musing ng Olongapo (13:11”235s). (Angie Oredo)