Walang balak ang world boxing champion na si Sarangani Rep. Manny Pacquiao na iwan sa ere si Vice President Jejomar Binay matapos na imbitahin ang una ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa senatorial line up ng alkalde.

“Ayoko talaga ng pabagu-bago,” pahayag ni Pacquiao sa pulong balitaan sa General Santos City.

“Naniniwala ako sa kanyang programa. Lahat kami galing sa hirap,” dagdag ng eight-division boxing champion tungkol kay Binay.

Dapat sana’y pupulungin ni Duterte si Pacquiao nitong Huwebes subalit mas ninais ng kongresista na makasama si Binay sa ginanap na pulong balitaan.

National

Rep. Paolo Duterte, ‘negatibo’ sa hair follicle drug test

Iginiit ni Pacquiao na “100 percent solid” ang kanyang suporta sa presidential bid ni Binay.

Sa kanyang panig, pinapuri ni Binay, standard bearer ng United Nationalist Alliance (UNA), si Pacquiao dahil sa paninindigan nito sa ipinangako.

“Ang taong ito ay may isang salita,” ayon sa 73-anyos na pulitiko.

Isa sa may pinakamalalaking kinita na atleta sa buong mundo, kabilang si Pacquiao sa 12-man senatorial slate ng UNA.

(Ellson A. Quismorio)