Hindi na nakapagtimpi ang isang mister kung kaya’t pinagsasaksak at pinatay ang isang lalaking sinasabing madalas sinasaktan ang kanyang misis sa Intramuros, Manila nitong Martes ng gabi.

Arestado naman ang suspek na si Marcelo Cabsan, isang ex-convict na miyembro ng Batang City Jail (BCJ), at nakatira sa Plaza Sto. Tomas, Manila.

Si Cabsan ang itinuturong responsable sa pananaksak at pagpatay sa biktimang si Reonaldo delos Santos, 31, isang parking attendant.

Sa imbestigasyon ni SPO2 Richard Escarlan, naganap ang insidente dakong 11:10 ng gabi sa loob ng isang maliit na karinderya na pinagpapahingahan ng biktima.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Sinasabing lango sa alak at shabu nang pasukin ng suspek ang biktima, na noo’y natutulog sa loob ng karinderya, at saka ito pinagsasaksak.

Nagawa pa umano ng biktima na makatakbo kahit sugatan ngunit nadapa ito at nang abutan ng suspek ay muling tinarakan ng sunud-sunod, na naging sanhi nang pagkamatay nito.

Ikinatwiran naman ng suspek na madalas umanong saktan ng biktima ang kanyang asawa, na katu-katulong nito sa kanilang karinderya kaya’t nagawa niya itong paghigantihan at patayin. (Mary Ann Santiago)