Handang-handa na ang tatlong siyudad na paggaganapan ng tinaguriang “Queen City of the South” na Cebu City sa pagsasagawa ng pinaka-ultimong torneo at pambansang kampeonato ng 2015 Philippine National Youth Games (PNYG)-Batang Pinoy sa Nobyembre 27 hanggang Disyembre 2.

Makakatuwang ng Cebu City ang kalapit nitong Mandaue at ang dinarayong lungsod ng Danao sa pagtanggap nito sa kabuuang 2, 247 kabataang atleta ang magsasama-sama at magtatagisan ng galing sa paghahangad na maging miyembro ng national training pool at irepresenta ang bansa sa internasyonal na torneo.

Sinabi ni PSC National Games Secretariat chief at Batang Pinoy Project Director Atty. Ma. Fe “Jay” Alano na hindi na mapipigilan pa ang Cebu City sa kahandaan sa pagsasagawa ng torneo para sa mga batang atleta edad 15-anyos pababa na magsasagupa sa kabuuang 27 sports tampok ang 16 na regular at 9 na isasagawa ang national finals.

“Everything is set. They (Cebu) had been ready for the Batang Pinoy national finals more than a month ago and they are so eager even if we stage the tournament at this time,” sabi ni Alano.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Isasagawa ang regular sports na arnis, athletics, badminton, basketball 3-on-3 (boys and girls), boxing, chess, futsal, dancesports, karatedo, lawn tennis, sepaktakraw, softball, swimming, taekwondo, table tennis, wrestling, volleyball (boys and girls) at weightlifting.

Gaganapin din ang kampeonato ng cycling, soft tennis, triathlon, wushu, pencak silat, handball, cheerleading, beach volleyball at ang tanging demonstration sports na fin swimming.

Umabot sa kabuuang 958 ang nagkuwalipika sa Luzon na ginanap sa Malolos, Bulacan noong Hulyo 18 - 22 habang may 437 ang nagwagi ng medalya sa ginanap na Visayas leg sa Romblon, Romblon noong Agosto 23 hanggang 28.

Ikalawang pinakamarami ang nakapasa na may 852 kabataan sa Mindanao qualifying leg na ginanap sa Koronadal City, South Cotabato nito lamang Oktubre 24 hanggang 29. Hindi kasama sa bilang ang mga lalahok sa siyam na sports na isasagawa ang kanilang natatanging national finals.

Ang weightlifting na naisagawa sa Luzon leg subalit kinansela sa Visayas at Mindanao ay isasagawa ang kanilang national finals sa Cebu. Ang mga makakapag-uwi ng medalya mula sa Visayas at Mindanao ay makukuha naman ang kanilang insentibo kung makapagwawagi sa national finals.

Isasagawa rin sa pinakaunang pagkakataon ang Beach Volleyball sa torneo kasama ang Cheerleading na una din sa host na probinsiya kasabay ng ibang sports matapos ang unang edisyon sa Rizal Memorial Sports Complex.

Paglalabanan naman ang Gymnastics sa Manila partikular sa Rizal Memorial Gymnastics Center.

Nakatakda rin paglabanan ang athletics sa Cebu City Sports Center Track Oval, ang badminton sa Metro Sports, ang beach volleyball sa Fort San Pdero Sand Court, ang boxing sa Cebu Coliseum, ang chess sa DepEd Cebu City Division, ang futsal sa Don Bosco Technological Center gayundin ang handball.

Ang karatedo ay gagawin sa Cebu City Sports Institute, lawn tennis at soft tennis sa City Green/Alta Vista, ang rugby football sa Cebu City Sports Center Field, ang sepak takraw sa Cebu City Sports Center Gym, ang swimming sa Cebu City Sports Center Aquatic Pool, ang taekwondo sa SM City Cebu at volleyball sa Old Sacred Heart School.

Ang Table Tennis at Dancesports ay gaganapin sa Capitol Social Hall, ang arnis at weightlifting sa Mandaue Sports Complex, ang wrestling at pencak silat sa Brgy.Ibabao Gym, ang basketball 3on3 (B & G) sa Danao City Civic Center, ang cycling sa Barangay Manlayag, ang softball sa Ramon Durano Sr. Sports Complex at ang triathlon sa Boardwalk, Danao City. (ANGIE OREDO)