Kritikal ngayon ang isang teenager matapos pagsasaksakin ng dalawang lalaki na tumangay sa kanyang mountain bike sa Navotas City, kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Marco Necisario, 17, residente ng Barangay North Bay Boulevard South.

Lumitaw sa imbestigasyon na sakay si Necisario ng kanyang mountain bike upang bumili ng pandesal nang bigla siyang harangin ng dalawang lalaki na armado ng patalim sa C-4 Road, Barangay North Bay Boulevard South, dakong 1:00 ng umaga.

Pumalag umano si Necisario habang pilit na kinukuha ng dalawang suspek ang kanyang bisikleta, dahilan upang pagsasaksakin siya sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

‘Immortal love?’ Enrile at misis nagdiwang ng 67th wedding anniversary

Nang bumagsak na sa kalsada, tinangay na ng mga salarin ang bisikleta ng biktima sa kanilang pagtakas.

Agad na dinala ng mga residente si Necisario sa Navotas City Hospital subalit kinalaunan ay inilipat din ng kanyang pamilya sa Tondo Medical Hospital.

Ayon sa mga doktor, mapalad si Necisario at nakaligtas ito sa tiyak ng kamatayan sa kabila ng maraming saksak na tinamo nito. - Jel Santos