PARIS (AP) – Isang serye ng pag-atake na pinuntirya ang kabataang concert-goers, soccer fans at mga Parisian na nag-e-enjoy sa kilalang nightspots, ang gumimbal sa mundo nitong Biyernes ng gabi matapos na masawi ang mahigit 120 katao sa pinakamatinding karahasan sa France simula noong World War II. Kinondena ni President Francois Hollande ang terorismo at nangakong maninindigan ang bansa laban sa mga kaaway nito.

Kakila-kilabot ang nangyari sa isang concert hall na nagdaos ng pagtatanghal ng isang American rock band, na nasa 100 katao ang binihag at tinapos ng mga terorista ang standoff sa pagpapasabog ng mga bomba.

Pagkatapos ng pag-atake, walong suspek ang namatay—pito sa kanila ay sa suicide bombing, habang ang isa ay napatay ng security forces sa music venue, sinabi sa Associated Press ng tagapagsalita ng Paris prosecutor na si Agnes Thibault-Lecuivre.

National

Ofel, lumakas pa; ganap nang ‘severe tropical storm’

Umabot sa 120 ang nasawi sa anim na lugar, kabilang ang national stadium at ang hilera ng mga popular na nightspots, ayon kay Thibault-Lecuivre.

Bukod sa pag-atake sa Bataclan concert hall, nagkaroon din ng tatlong suicide bombing sa labas ng national stadium sa kainitan ng soccer match ng mga national team ng France at Germany, ayon kay Thibault-Lecuivre.

Sa loob lang ng ilang minuto, ayon kay Paris Police chief Michel Cadot, isa pang grupo ng mga suspek ang nagpaulan ng bala sa hilera ng mga café sa labas ng Bataclan, bago pumasok sa loob at muling namaril. Pagdating ng mga pulis sa lugar, ikinasa na ang suicide bombing.

Isa pang suspek ang nagpasabog ng suicide bomb sa Boulevard Voltaire, malapit sa music hall.

Bagamat walang agad na umako sa mga pag-atake, pinuri ng mga jihadist sa Twitter ang mga terorista, at binatikos ang operasyon ng French military laban sa Islamic State sa Syria at Iraq. Sinabi ng mga testigo sa concert hall na narinig nilang humiyaw ang mga suspek ng “Allahu Akbar”.

Nagdeklara ng state of emergency si Hollande at ipinasara ang mga hangganan ng bansa.

Pansamantalang itinigil ang biyahe ng tren sa Metropolis at mistulang inulila ang mga lansangan matapos kumalat ang matinding takot sa siyudad, na hindi pa nakakalimot sa Charlie Hebdo attack may 10 buwan na ang nakalilipas.

“This is a terrible ordeal that again assails us,” sinabi ni Hollande sa kanyang televised address. “We know where it comes from, who these criminals are, who these terrorists are.”

Sa kanyang pagsasalita sa harap ng mga mamamahayag sa Washington, tinawag ni U.S. President Barack Obama ang pag-atake sa Paris na isang “attack on all humanity”, at isang “outrageous attempt to terrorize innocent civilians”, bago nangakong gagawin ang lahat upang mapanagot ang may sala.

Pinaigting naman ng France ang seguridad sa bansa ilang linggo bago idaos dito ang pangunahing global climate conference.

MGA PINOY SA FRANCE

Samantala, sinabi kahapon ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesman Charles Jose na puspusan ang pakikipag-ugnayan ng Embahada ng Pilipinas sa French authorities para malaman kung may Pilipinong nasaktan o nasawi sa mga pag-atake sa Paris.

Kahapon ng umaga, sinabi ni Jose na wala pang natatanggap na report ang kagawaran kung may Pinoy na naapektuhan sa insidente, kasabay ng pagtiyak na aayudahan ng Embahada ang mga Pilipinong nangangailangan ng tulong sa Paris.

Tinatayang nasa 48,000 Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa Paris.

Pinayuhan naman ni Philippine Vice Consul in Paris Andre Estanislao ang mga Pinoy sa Paris na iwasan munang lumabas ng bahay, at inihayag na maaaring tumawag ang mga kaanak ng mga Pinoy sa France sa 24/7 hotline na +33 620592515.

PNP, NAKA-FULL ALERT

Kaugnay nito, isinailalim na ng Philippine National Police (PNP) ang buong bansa sa pinakamataas na security alert status kasunod ng pag-atake sa Paris.

Hanggang nitong Huwebes ay tanging ang Metro Manila—na pagdarausan ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit ngayong linggo—ang nasa full alert, ngunit dahil sa mga pag-atake sa Paris ay isinailalim na ng PNP ang buong bansa sa full alert.

May ulat nina (Bella Gamotea at Aaron Recuenco)