Mga laro ngayon

Araneta Coliseum

2 p.m. UST vs. Adamson

4 p.m. UP vs. La Salle

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Masungkit ang twice-to-beat incentive ang asam ng University of Santo Tomas (UST) samantalang bubuhayin ang tsansa na umabot sa Final Four round ang layunin ng De La Salle University (DLSU) sa pagsalang ng mga ito sa magkahiwalay na laro ngayong hapon sa pagpapatuloy ng UAAP Season 78 men’s basketball tournament sa Araneta Coliseum.

Nasa ikalawang posisyon sa ngayon at hawak ang barahang 10-3, panalo-talo, tatangkain ng Tigers na makopo ang ika-11 panalo sa pagtatapos ng elimination round campaign na magbibigay sa koponan ng twice-to-beat incentive na papasok sa Final Four round.

Manggagaling ang Tigers sa malaking panalo kontra league leader Far Eastern University (FEU) sa kanilang nakaraang laro, kung saan bumalikwas sila sa third period upang muling gapiin ang Tamaraws sa ikalawang pagkakataon ngayong season, 85-76.

“Sana yung momentum nung panalo namin against FEU ay madala namin sa next game. Hindi puwedeng biruin ang Adamson, kahit out of contention na sila, palaban pa rin,” pahayag ni UST coach Bong de la Cruz.

Sa kabilang dako, nagbanta naman ang Falcons na ipapanalo ang kanilang huling laro ngayong season upang makakuha ng respeto mula sa iba pang UAAP teams.

“If possible, we will try to win against UST to gain more respect from other teams,” ayon ito kay Adamson coach Mike Fermin matapos nilang talunin para sa ikatlo nilang panalo ang University of the East (UE), 74-71.

Sa huling laro, kinakailangang maipanalo ang huling dalawang laro upang makapuwersa ng playoff para sa last Final Four spot kontra defending champion National University (NU) at tiyak ay magkukumahog ang Green Archers na makabawi mula sa natamong tatlong sunod na pagkasawi na nagbaba sa kanila sa barahang 5-7, pinakahuli sa kamay ng archrival Blue Eagles, 62-73.

Gaya ng Adamson, bagamat wala na rin sa kontensiyon, hangad din ng UP Fighting Maroons na maipanalo ang kanilang mga nalalabing laban para sa mas magandang exit ngayong season. (Marivic Awitan)