May kapangyarihan ang Court of Appeals (CA) na repasuhin at resolbahin ang mga kautusan at desisyon ng Office of the Ombudsman, tulad ng preventive suspension ng mga halal na opisyal ng gobyerno.
Ito ang binigyang-diin ng Korte Suprema sa desisyong inilabas nito hinggil sa temporary restraining order (TRO) at writ of preliminary injunction (WPI) na inilabas ng CA laban sa kautusan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na ipatupad ang unang preventive suspension order laban kay Makati Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay, Jr.
Isinulat ni Justice Estela M. Perlas Bernabe na ibinasura ng SC ang petisyon na inihain ni Morales laban sa TRO at WPI na unang inilabas ng kataas-taasang hukuman.
Subalit bukod sa suspension order, naglabas din ng kautusan si Morales sa pagsibak kay Junjun Binay bilang alkalde ng Makati at habambuhay na pagkakadiskuwalipika sa paghawak ng ano mang posisyon sa gobyerno.
Dahil dito, naghain ng motion for reconsideration ang kampo ni Binay sa dismissal order ni Morales na may kaugnayan sa kontrobersiya sa umano’y multi-bilyong pisong anomalya sa mga proyektong pinasok ng Makati City Hall.
Iginiit ng Korte Suprema na base sa doktrina ng “condonation”, may kapangyarihan pa rin ang appellate court na repasuhin ang mga kautusan at desisyon ng Ombudsman at hindi rin magagamit ang Section 14 ng 1989 Ombudsman Act sa ilalim ng Republic Act 6770 dahil hindi ito kinonsulta nang niratipika ang naturang probisyon. (REY PANALIGAN)