Apat na 40-footer container na naglalaman ng illegally imported rice na nagkakahalaga ng halos P5 milyon ang nasamsam ng Bureau of Customs (BoC)-Intelligence Group sa Tagoloan, Misamis Oriental, kamakailan.

Ayon sa isang opisyal ng BoC-IG, na tumangging pangalanan, sangkot si Tuburan Mayor Democrito Diamante sa tangkang pagpupuslit ng imported rice mula sa China na idinaan sa MCT, isang sub-port sa Cagayan de Oro.

Base sa mga dokumentong nasamsam ng Customs authorities, ang consignee ng kargamento ay ang Spherebox Marketing, na matatagpuan sa 3963 James San Lucas Extension, Kauswagan, Cagayan de Oro City.

Idineklara ang shipment bilang mga “houseware and footware,” ayon sa BoC.

National

VP Sara sa kaniyang plano sa politika: ‘It is always God’s purpose that shall prevail!’

Iniangkat sa pamamagitan ng isang consignee-for-hire at ibang broker, agad na isinailalim ni Customs Deputy Commissioner for Intelligence Jessie Dellosa sa alert order ang imported rice mula China.

Subalit nangangalap pa rin ang IG ng karagdagang dokumento upang mapagtibay na si Diamante nga ang may-ari ng inangkat na bigas.

Ayon sa BoC, nakasamsam ang IG ng aabot sa 130 container na naglalaman ng smuggled rice at 26 ng smuggled sugar sa Port of Cagayan de Oro noong 2014.

Ang mga ito ay naka-consign sa AMD Royale at EC Peninsula, na kapwa kinasuhan ng Customs authorities sa Department of Justice (DoJ) sa Maynila. (Raymund F. Antonio)