CARCAR CITY, Cebu – Isang pinaniniwalaang lulong sa ilegal na droga ang pinagtataga hanggang sa mapatay ang dalawa niyang pamangkin na menor de edad bago ginilitan ang kanyang sarili sa lungsod na ito.

Nagulantang ng maliit na komunidad sa Sitio Kalangyawon, Barangay Napo sa Carcar dahil sa nasabing insidente, bagamat sinabi ng ilang source na dapat ay matagal nang nag-ingat ang mga magulang ng magkapatid dahil kilala sa lugar ang pagkalulong ng suspek sa ilegal na droga.

Natagpuang patay at tadtad ng taga sa ulo ang magkapatid na sina Rosalyn Mangyao, 16; at Chairmain Mangyao. Ayon sa pulisya, kapwa halos mapugutan ang magkapatid.

Patay rin ang suspek na si Domingo Mangyao, 29, tiyuhin ng magkapatid at pinaniniwalaang nagpatiwakal.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Ayon sa pulisya, saglit na iniwan ang magkapatid sa pangangalaga ng suspek matapos na umalis ang mga magulang ng mga ito para dumalo sa padasal sa kapitbahay para sa isang yumaong kaanak.

Nagluto pa ng hapunan ang suspek para sa pamilya bago umalis ang mga magulang ng mga biktima.

Sa bahay na ng pamilya ng mga biktima tumira si Domingo simula nang lumaya ito sa pagkakakulong noong nakaraang buwan. Nakulong si Domingo matapos i-hostage ang isang batang babae. (MARS W. MOSQUEDA, JR.)