Nina MARIO B. CASAYURAN at HANNAH L. TORREGOZA

Ngayong sunud-sunod na ang mga pambabatikos sa kanya kaugnay ng posibilidad na kumandidato siyang pangulo sa susunod na taon, sinabi ni Senator Grace Poe na pakiramdam niya ay nabu-bully siya.

Kabilang sa mga pagtuligsang ito ang tungkol sa kanyang citizenship at residency, pagiging stateless o foundling, at kamakailan ay inakusahan din siyang naglalasing, nananakit ng kasambahay at sumailalim sa drug rehabilitation program.

“My conscience is clear (sa mga alegasyong ito),’’ sinabi ni Poe sa isang panayam sa radyo kahapon.

Eleksyon

Mga opisyal at kawani ng Manila City Hall, pinaiiwas ni Mayor Honey sa pamumulitika

Inamin ni Poe na nasasaktan siya sa nasabing mga akusasyon at batikos ngunit nananatili siyang matatag para sa mahigit 20 milyong Pinoy na nagluklok sa kanya sa Senado noong 2013. Pinangunahan niya ang mga nahalal na senador bilang guest candidate ng coalition ticket ng administrasyong Aquino.

“Minsan, feeling ko talagang binu-bully na ako. Alam natin, ang lalakas ng makinarya nila, kung sinu-sino kilala nila. Inilalabas nila ‘yang mga istoryang ‘yan. Nambu-bully na sila, para ba mag-negotiate ako at a position of disadvantage,’’ sabi ni Poe.

Hindi naman tinukoy ni Poe ang partido pulitikal na nasa likod ng nasabing mga alegasyon laban sa kanya.

Sa petisyong inihain sa Senate Electoral Tribunal (SET) nitong Huwebes, kinuwestiyon ni Rizalito David, talunang senatoriable noong 2013, ang citizenship at kawalan ng residency ni Poe para maging senador. Mayroon siyang US passport.

Samantala, sa isang panayam sa telebisyon nitong Huwebes ng umaga ay inalok si Poe ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Manuel “Mar” A. Roxas II, inendorso ni Pangulong Aquino bilang standard bearer ng Liberal Party (LP), para maging running mate niya.

Bukas naman si Poe sa pakikipag-usap kay Roxas, bagamat una nang inihayag ng senadora na komportable siyang makipagtambalan sa kaibigan at kaalyado niyang si Sen. Francis Escudero, na planong kumandidatong bise presidente.

Kaugnay nito, sinabi kahapon ng kaalyado ng administrasyon na si Senate President Franklin Drilon na walang dudang susuportahan niya ang tambalan nina Roxas at Poe para sa 2016 elections.

“Grace Poe has been an ally of the administration. She has been supportive of the administration in the Senate, and yes, we would like Grace Poe to be nominated as running-mate of Mar,” sabi ni Drilon.

Hanggang ngayon naman ay hindi pa nakapagdedesisyon si Poe kung kakandidato siya para sa mas mataas na posisyon.