NAGSAMA-SAMA ang pamilya at mga kaibigan ni Bobbi Kristina Brown sa sementeryo noong Lunes upang ihatid siya sa kanyang huling hantungan sa tabi ng puntod ng kanyang ina na si Whitney Houston.

Hinarangan ng mga pulis ang daan patungo sa Fairview Cemetery upang maging pribado ang seremonya. Sa labas ng sementeryo, nagsama-sama ang well-wishers para sa motorcade at upang makakuha ng litrato.

Dumating ang labi ng 22-anyos na anak nina Houston at Bobby Brown sa Newark Liberty International Airport dakong 11:00 ng umaga at ibiniyahe patungong Whigham Funeral Home sa Newark, ang pasilidad na ginamit din sa funeral arrangement ni Houston tatlong taon na ang nakalilipas.

Pagkaraan ng 90 minuto, nagsimula nang paandarin ang karo patungong sementeryo sa Westfield, na sinundan ng itim na SUV sakay ang mga kaanak ni Houston, kabilang ang pinsan na si Dionne Warwick.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Namatay si Bobbi Kristina noong Hulyo 26 sa hospice care, anim na buwan matapos siyang matagpuan na walang malay sa kanyang bathtub sa Atlanta townhome.

Ang kanyang pagpanaw ay kahawig ng pagkamatay ng kanyang ina.

Natagpuan din si Whitney Houston na walang malay sa bathtub na may tubig sa Beverly Hilton Hotel pagkatapos ng 2012 Grammy Awards.

Natuklasan ng mga awtoridad ang prescription drugs sa kanyang kinalalagyan at nadiskubre na may sakit sa puso at gumamit ng droga.

Ngunit kumbinsido ang nakararami na aksidente ang pagkamatay ni Houston sa paniniwalang ito ay nalunod.

Lumaki si Bobbi Kristina sa anino ng kanyang sikat na mga magulang. Isinama siya ng kanyang magulang noong 2005 sa Bravo reality show na Being Bobby Brown at dumalo sa ilang award shows.

Kasal sa loob ng 15 taon sina Houston at Brown bago nila tuluyang tinuldukan ang kanilang relasyon noong 2007. Tanging si Bobbi Kristina lamang ang kanilang anak.