Linggo ng Palaspas ng Pasyon ng Panginoon ngayon, ang pagsisimula ng Santa Semana. Ginugunita ng mga Katoliko sa araw na ito ang maluwalhating pagpasok ni Kristo Jesus sa Jerusalem.

Ayon sa mga Ebanghelyo, kahit batid ni Jesus ang mga banta sa Kanyang buhay ng mga leader ng Judio, ipinagpatuloy Niya ang Kanyang misyon ng pagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian ng Diyos. Hindi nakapigil sa Kanya ang mga nakaabang na panganib sa pagpapahayag ng pag-ibig ng Diyos sa mga mamamayan ng Jerusalem. Ibinigay Niya ang lahat alang-alang sa pagpapahayag ng Ebanghelyo, isang misyon na iniatang sa Kanya ng Ama.

Sa pagninilay sa mga pagbasa ng Ebanghelyo sa ating liturhiya ngayon, mapapansin ang tibay ng pananampalataya ni Jesus at ang Kanyang buong pagsuko sa kalooban ng Diyos. Hindi kalooban ng Diyos na mamatay ang Kanyang bugtong na Anak sa krus. Ang kalooban ng Diyos na sa pamamagitan ni Jesus, maranasan natin ang alab ng Kanyang pagmamahal at lambing ng Kanyang awa. Tinupad ni Jesus ang Kanyang misyon nang buong puso hanggang sa Kanyang huling hininga sa daigdig. Nanatili siyang matapat sa kabila ng mga tukso na tumanggi sa mga hirap at pagsubok. Nagpatuloy ang Kanyang pagiging masunurin hanggang kamatayan sa kabila ng panunukso ng Diyablo na gamitin ang Kanyang kapangyarihan upang matakasan ang mga katototohanan ng buhay sa daigdig.

Ang katapatan ni Jesus sa Ama hanggang kamatayan ay isang imbitasyon para sa atin na maging matapat sa Diyos sa misyon na ibinigay Niya sa atin. Lahat tayo ay tinatawagan upang ipahayag ang mensahe ng Kaharian sa daigdig. Sa pamamagitan ng panalangin at pananahimik, masusumpungan natin ang kalooban ng Diyos para sa atin.

National

Ikinakasang rally ng INC kontra impeachment kay VP Sara, pinaghahandaan na ng MMDA

Gawin natin isang oportunidad ang Santa Semana upang pagnilayan at masumpungan ang plano ng Diyos para sa atin. Ilagak natin ang ating mga sarili sa kamay ng Diyos at sundin natin ang Kanyang banal na kalooban. Maaari ngang napakaraming tukso na magpapalihis sa atin upang maging matapat sa Panginoon ngunit pahintulutan nating gabayan tayo ni Jesus na nagpakita sa atin ng paraan ng pagsunod sa Ama.

Kumatha si Blessed John Henry Newman ng isang magandang panalangin na maaari nating idasal ngayon hanggang sa pagtatapos ng Santa Semana: “He has committed some work to me which He has not committed to another. I have my mission… Somehow I am necessary for His purposes… I have a part in this great work; I am a link in a chain, a bond of connection between persons. He has not created me for naught. I shall do good, I shall do His work; I shall be an angel of peace, a preacher of truth in my own place, while not intending it, if I do but keeps His commandments and serve Him in my calling.”