Ang paudlut-udlot na pagdaraos ng Sangguniang Kabataan (SK) elections ay isang hudyat na napipinto ang pagbuwag sa naturang grupo ng mga kabataan. Tumitibay ang mga panawagan na ang SK ay hindi na dapat maging bahagi ng ating sistemang pampulitika na malimit na nakukulapulan ng dayaan at madugong tunggalian.

Ang SK polls ay una nang itinakda ng Commission on Elections (Comelec) noon pang Pebrero 21, 2015 subalit ito ay ipinagpaliban. Alinsunod sa isang rebolusyon ng naturang ahensiya, ang halalan ay inirekomendang idaos sa Abril 25 ng taong ito. May mga panukalang-batas din na isinusulong sa Kongreso hinggil sa pagpapaliban ng nasabing eleksiyon sa Oktubre 2016. Subalit ito ay kailangan pang pagpasiyahan ni Presidente Aquino.

Hindi miminsang lumutang ang mga kahilingan upang tuluyan nang pawalang-bisa ang naturang halalan – at ang mismong SK. Katunayan, may mga mambabatas na determinado sa pagbuwag ng nasabing grupo ng mga kabataan. At hindi miminsan na kinatigan natin ang ganitong panawagan sa matuwid na hindi pulitika ang dapat pag-aksayahan nila ng panahon.

Taliwas ito, kung sabagay, sa paninindigan ng ilang Senador na naghain ng mga panukala tungkol sa pagbabago ng balangkas at sistema na pinaiiral sa SK. Sa isang reform bill, nais nila na ito ay panatilihin sa paniniwala na epektibo ito upang maging hagdan ng mga kabataan tungo sa pagiging isang lider ng kinabukasan.

First Lady, unang hinanap si PBBM matapos panoorin Hello, Love, Again<b>— Alden</b>

Kahit na ano ang sabihin ng sinuman, ang ating mga kabataan ay hindi dapat imulat sa magulo, magastos at maalingasngas na pulitika. Maraming dapat pag-ukulan ng makabuluhang panahon ang ating mga kabataan. Hindi sila dapat masangkot sa mga katiwalian na tulad ng isinasaad sa nakalipas na mga ulat. Ang ilan sa kanila ay nasangkot sa pangungulimbat ng pondo ng bayan; ang iba naman ay nadawit sa pangangalaga ng mga sugapa sa masasamang bisyo sa kani-kanilang mga nasasakupan.

Anupa’t ang mga bumubuo ng SK ay dapat ilayo sa pulitika at ilapit sa pagtuklas ng edukasyon upang sila ay lalong maging dangal ng ating lipunan.