Kinilala kamakailan ng United States Agency for International Development (USAID) ang Department of Health (DOH) para sa matagumpay nitong kampanya para sa paglaban kontra sa pagkalat ng tuberculosis (TB).

Iginawad ng USAID sa DOH ang titulo ng “TB Champion,” na ibinibigay nito sa mga indibidwal, mga organisasyon o institusyon, na naging daan sa pagkamit ng pandaigdigang target upang mapababa ang kaso ng TB sa buong mundo.

“The USAID recognizes the Department of Health as a champion in the global fights against TB for its exemplary commitment and leadership in the fight against TB in the Philippines,” saad ng USAID sa ibinigay nitong citation.

Binanggit nito ang nabawasang mga insidente at pagkamatay sanhi ng TB sa bansa, na ngayon ay bumaba na ng mahigit 50 porsiyento mula 1990.

National

Paalala ng PWS para sa flu season: 'Do not kiss babies that aren't yours!'

“The Philippines is now one of the seven among the 22 high-burdened countries that have achieved its 2015 Millenium Development Goal (MDG) in fighting tuberculosis (TB) as early as 2012,” ani Health secretary Jannette Garin.

Ang ibang bansa, na naabot na rin ang kanilang layunin na MDG, ay ang Brazil, Cambodia, China, Uganda, United Republic of Tanzania at Vietnam.

Iniugnay ito ni Garin sa implementasyon ng Directly Observed Treatment Short-Course strategy na pinairal ng gobyerno at private partners nito noong 1996 upang gamutin ang mga kaso ng TB.

Sinabi rin niyang ang mga karagdagang kagamitan katulad ng Line Probe Assay, Mycobacterium Growth Indicator Tube at GeneXpert na nakuha ng DOH, na naging daan para sa maagang pagkakatuklas ng TB cases sa bansa.

Aniya, binawasan nito ang peligro ng mga pasyente na dinadapuan ng nakahahawang respiratory disease sa pagkakaroon ng multi-drug resistance (MDR) dahil agad silang nagagamot.

Ang MDR patients ay mas mahirap gamutin dahil ang mga karaniwang antibiotics ay hindi na nagiging mabisa sa kanila. - Samuel P. Medenilla