Sinibak ni Manila Police District (MPD) Director Chief Supt. Rolando Nana ang hepe ng MPD Integrated Jail at isang tauhan nito matapos kumalat sa social media ang larawan ng apat na preso na ginamitan nito ng kadena at kandado habang inililipat sa Manila City Jail.

Ayon kay Nana, ang pagsibak kina Chief Insp. Danilo Soriano at SPO4 Roberto Quillope ay upang bigyang-daan ang imbestigasyon sa insidente.

Kasabay nito, nilinaw naman ni Nana na sa ilalim ng PNP law, pinapayagan ang paggamit ng kadena kung ang kriminal ay klasipikadong mapanganib at itinuturing na may kakayahang tumakas.

Inimbitahan din ng MPD-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) ang photo journalist na si Bong Son upang magbigay-linaw sa isasagawang imbestigasyon sa insidente.

Metro

Hinahanap daw ang anak: Lolo na may Alzheimer’s nahulog sa creek, nalunod!

Nauna rito, lumitaw sa larawan ni Son ang apat na bilanggo na nakakadena at kandado ang mga kamay imbes na nakaposas habang inilalabas ng MPD.

Ang apat ay sangkot umano sa mga kasong walang piyansa na kinabibilangan ng mga kasong pagpatay at human trafficking.

Umani naman ng batikos sa social media ang naturang larawan.

Ipinaliwanag na ni Quillope na bagama’t mayroon silang posas, nagpasya silang gamitan ng kadena at kandado ang mga preso dahil may posibilidad na makatakas ang mga ito lalo na’t maraming tao sa quadrangle ng MPD headquarters dahil sa nagaganap na malaking aktibidad sa kanilang punong himpilan.