Inilipat na ng awtoridad ang 17 miyembro ng Abu Sayyaf sa piitan ng Bureau of Jail Management and Penology sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City mula sa Basilan Provincial Jail.

Ito ay matapos bigyan ni Basilan Governor Jum Akbar ng travel order na nag-aatas kay Provincial Warden Abdulhusin Atalad na bantayan habang inililipat ang 17 miyembro ng Abu Sayyaf, base sa utos ng Supreme Court Third Division na ilipat ang lugar ng paglilitis ng mga suspek.

Mula sa kanilang dating piitan sa BPJ sa Barangay Sumagdang, Isabela City, Basilan, isinakay ang mga suspek sa isang barko ng Philippine Navy bago inilipat sa isang Philippine Air Force C-130 cargo plane pagdating sa Zamboanga City.

Ayon kay Rear Admiral Reynaldo L. Yoma, commander ng Joint Task Force ZAMBASULTA, ang lahat ng suspek ay nahaharap sa kasong kidnapping at serious illegal detention.

Akbayan, De Lima 'di apektado sa pagtutol ni PBBM: 'Kailangang manaig ang batas!'

Lumitaw sa record na limang beses nang natakasan ang BPJ mula 2004 hanggang 2015, na ang pinakahuli ay nangyari noong Enero 17, 2015 nang pumuga ang walong preso, kabilang ang Abu Sayyaf member na si Said Usman.