Naghain ng kaso ang 11 Pinoy worker laban sa kanilang employer sa California, USA dahil sa hindi pagbibigay ng sahod, pagmamaltrato at deskriminasyon.

Ayon sa ulat, tinulungan ng Asian Americans Advancing Justice-Los Angeles (Advancing Justice-LA) at Latham & Watkins LLP ang 11 Pinoy worker sa paghahain ng kaso na may kinalaman sa deskriminasyon, unfair immigration-related practice, human trafficking, racketeering at unfair labor practices laban sa may-ari ng L’ Amande French Bakery.

Sinabi ng grupo na hiling din ng mga Pinoy mula sa Superior Court of California na pagbayarin ang kanilang employer ng hindi nabayarang sahod nila na aabot sa $700,000.

Ang L’ Amande, na pag-aari ng mag-asawang Goncalo at Ana Moitinho de Almeida, ay isang popular na bakery sa Los Angeles na may sangay sa Beverly Hills at Torrance.

National

VP Sara, humingi ng pasensya sa mga ‘nai-stress’ sa kaniyang sitwasyon

Ayon sa 11 Pinoy, nilinlang din sila ng kanilang employer sa pagkuha ng E-2 visa na nagbibigay sa kanila ng awtorisasyon sa mga banyaga na pansamantalang makapagtrabaho sa US.

Sinabi ng abogado ng mga Pinoy na binantaan umano ng mga Almeida na kakasuhan ang mga Pilipino dahil sa kanilang utang na tig-$11,000 at deportasyon sa Pilipinas kung tatanggi silang ipagpatuloy ang kanilang pagtatrabaho sa bakery.

Lumitaw din sa imbestigasyon ng Office of the Labor Commissioner sa Los Angeles na pinagtatrabaho sila sa bakery nang 14 oras sa sahod na $3 kada oras.

Sinabi rin sa ulat na sinibak sa trabaho ang 11 Pinoy matapos matuklasan ng mag-asawang Almeida na inimbestigahan sila ng OLC.

Nangangamba rin ang 11 Pinoy worker na bumalik sa Pilipinas, na sinasabing malawak ang impluwensiya ang pamilya Almeida. - Roy G. Mabasa