Ni REGGEE BONOAN

Beauty Gonzales MULING napatunayan ang lakas ng panalangin sa inamin ni Beauty Gonzales na namanata siya para sa Mahal Na Nazareno upang magkaroon ng lead role sa projects niya sa ABS-CBN.

Nanalangin siya na sana ay masubukan naman niyang maging leading lady at hindi na lang parating sidekick at best friend ng mga bida. Pinakinggan ang panalangin ni Beauty dahil natupad ito sa seryeng Dream Dad na siya ang leading lady ni Zanjoe Marudo.

Gumaganap si Beauty bilang sekretaryang si Alex na-in love sa boss niyang si Baste na kalaunan ay napansin din siya.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

“Thank you, Dream Dad, thank you to GMO (Ginny M. Ocampo unit), thank you, ABS-CBN for making may dreams come true! And thank you, Zanjoe for helping me,” maluha-luhang sabi ng dalaga.

No. 1 TV show ngayon ang Dream Dad na pinakakain ng alikabok ang lahat ng show na tumatapat. Kaya nagpa-thanksgiving presscon ang cast at production team ng GMO para maiparating sa lahat ng sumusubaybay ang kanilang pasasalamat.

“Nu’ng una hindi ako makapaniwala na leading lady na ako, at ang gaan ng trabaho namin sa set,” kuwento ni Beauty. “Nu’ng i-pitch nga ito sa akin, sabi leading lady, nu’ng una hindi ko pa agad nakuha, wala akong reaksiyon, ‘tapos nu’ng nag-sink in na, doon ko lang naisip na, totoo ba?

“Kasi talagang pangarap ko ito, nagpanata ako kay Nazareno na sana magkaroon ako ng leading lady role, heto nga kaya sobrang nagpapasalamat talaga ako sa Dream Dad, ABS-CBN kasi tinupad nila ang pangarap ko. Thank you for believing in me.”

Parehong may karelasyon sina Beauty at Zanjoe, pero inamin ng aktres na kinikilig siya sa aktor kapag may eksena sila.

“Oo, nakakakilig naman siya kasi ang guwapo niya at saka kapag tumititig na, sabi ko nga, ‘Zanjoe, ‘wag ka nga tumititig’ puro biruan lang. Pero hindi, kaibigan lang kami,” natawang kuwento ni Beauty.

Hindi siya ang klase ng babaeng sumisingit o pumapatol sa may karelasyon na. Inamin din ng dalaga na may boyfriend siyang businessman na malaki ang agwat sa edad niya.

“Bagsak ako sa Math, hindi ko alam magkuwenta,” natatawang sabi ng aktres nang tanungin namin kung ilang taon na ang boyfriend niya.

Art collector ang boyfriend ni Beauty at ang tumatawa niyang kuwento, “Wala akong alam sa art, malay ko kung ano ‘yun, at ano… ang mahal, basta magaganda naman lahat ng paintings.”

Binigyan si Beauty ng painting ng boyfriend niya na hindi niya alam kung sino ang nag-pinta, “Basta maganda, ‘yun lang,” sambit ng dalaga.

Sa loob ng anim na buwang relasyon ay gusto ng aktres na sana ay ito na ang makatuluyan niya dahil, “Very supportive, sobra niya akong bine-baby, hindi seloso, walang isyu sa amin, simpleng buhay lang, both family namin ay okay, walang isyu, kaya saya-sayahan lang.

“Walang pressure sa amin, ako ang magsasabi kung kailan ako ready (mag-asawa). Sa nakikita ko, I’m 24, siguro six (6) more years, at maghihintay naman siya, sabi niya, ‘pag hindi lagot siya sa akin, ha-ha-ha,” pabirong sabi ng dalaga.

Ayaw na niyang magkaroon ng boyfriend na kaedad niya dahil, “Hindi kami magkasundo, pareho kaming matigas ang ulo at sinungaling.”

Exended ang Dream Dad kaya super-happy ang buong cast.