Dinakip ng National Bureau of Investigation (NBI) ang babaeng sangkot umano sa sindikatong namemeke ng Special Allotment Release Order (SARO).

Kinilala ang suspek na si Christine Joy Angelica Gonzales, na nadakip sa isang entrapment operation sa Quezon City na pinangunahan ng Anti-Organized and Transnational Crime Division (AOTCD) ng NBI

Ayon kay NBI Director Virgilio Mendez, nag-ugat ang operasyon sa reklamo ng Department of Budget and Management (DBM) makaraang dumulog sa kanila ang mga kontratista na sina Ariel Garcia at Irene Simbulan tungkol sa farm-to-market road project sa Pakil, Laguna.

Reklamo ng dalawang contractor, nakapagbigay na sila ng P1 milyon cash advance para tiyak na makokopo ang proyekto.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Pero dahil humihingi ng karagdagang P500,000 ang suspek para sa hiwalay na proyekto na may kinalaman sa medisina na nagkakahalaga ng P50 milyon, nagdesisyon ang dalawang complainant na dumulog sa DBM at natuklasan na peke ang SARO na iprinisinta ni Gonzales.

Bukod sa peke ang pirma ni Budget Secretary Butch Abad sa SARO, nabatid na ang alokasyon ay para umano sa PDAF na idineklara nang unconstitutional ng Korte Suprema.

Dito na humingi ng tulong ang DBM sa NBI para maaresto si Gonzales at isinagawa ang entrapment operation.

Nang madakip ay kaagad na isinalang sa inquest proceedings si Gonzales para sa kasong estafa at falsification of documents, at ayon kay NBI-AOTCD Chief Manny Eduarte, may ipinalabas nang resolusyon ang prosecutor’s office sa Quezon City at inirekomenda na ang paghahain ng kaso sa korte laban kay Gonzales.