“Tama ang unang hinala ko.”

Ito ang pahayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas matapos lumitaw sa Board of Inquiry (BOI) ng Philippine National Police (PNP) na ang suspendidong hepe ng PNP na si Director General Alan LM Purisima ang dapat sisihin sa pagkamatay ng 44 tauhan ng PNP Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.

“Nakumpirma ng aking pag-iisip na ang may pangunahing pananagutan dito sa pagkamatay ng 44 SAF troopers ay walang iba kundi ang suspendidong Director General Alan Purisima,” pahayag ni Roxas.

Ang pahayag ni Roxas ay hindi tumugma sa sinabi ni Aquino kamakailan na si Napeñas ang dapat sisihin sa pagkamatay ng 44 commando.

ALAMIN: Pagbabago sa holiday schedule sa ilang public transportation sa Metro Manila

Sa pulong-balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Roxas na sa simula pa lamang, si Purisima ang responsible sa palpak na operasyon sa Mamasapano.

Bagamat iniatas niya sa noo’y SAF chief Director Getulio Napenas na tutukan ang operasyon laban sa Malaysian bomb expert na si Zulkifli bin Hir, alyas “Marawan,” at Pinoy na kakutsaba nito na si Basit Usman, hindi dapat nakialam sa operasyon si Purisima dahil suspendido na ito noong panahon na iyon.

“Hindi lang na hindi niya ipinasa, sinabihan pa niya si Director Napeñas na ilihim ito kay Espina at sa akin,” giit ni Roxas.

Aniya, dalawang beses inatasan ni Pangulong Aquino si Purisima na makipagkoordinasyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) kung saan sa unang pagkakataon ay suspendido na ito bilang PNP chief subalit hindi nito sinunod ang utos ng commander-in-chief.

“Hindi nangyari ang ‘resbak’ dahil sa kawalan ng coordination at inilihim din ito sa AFP kahit pa inutos ng pangulo icoordinate sa AFP,” pahayag ng kalihim.

Idenepensa naman ni Roxas si Pangulong Aquino sa ano mang pananagutan sa madugong operasyon.

“He (Aquino) correctly authorized that Marwan is a target. There is no liability to that. In fact, pag hindi niya ginawa yan may pananagutan ang Pangulo kasi ‘yan ang kanyang tungkulin,” paliwanag ni Roxas.

“The president took steps to remedy the situation,” dagdag niya. - Czarina Nicole O. Ong