Binagyo ng suwerte ang isang biktima ng bagyong ‘Yolanda’ sa Eastern Samar!

Mula sa pagiging isang kawani ng gobyerno na may kakapiranggot na suweldo, ang lalaki na sinalanta ng bagyong Yolanda noong Nobyembre 8, 2013 ay isa na ngayong multi-milyonaryo.

Ngunit bago niya makuha ang kanyang na-jackpot sa Lotto 6/42 na P23.6 milyon mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), kinailangan muna niyang mangutang ng pasahe nilang mag-asawa para makapunta sila sa Maynila.

Ito ang ikinuwento kay PCSO acting Chairman Jose Ferdinand M. Rojas II ng survivor ng bagyong Yolanda na naka-jackpot sa Lotto 6/42 nitong Pebrero 21.

National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS

Sinabi ni Rojas na walang naisalba ang pamilya ng jackpot winner nang wasakin ng dambuhalang storm surge ng Yolanda ang kanilang mga ari-arian sa Eastern Samar.

“Lahat ng mayroon kami, tinangay ng tubig; ang bahay namin, ang aming mga gamit, at ang kakapiranggot naming pinagkakakitaan, walang itinira sa amin ang Yolanda,” sinabi ng jackport winner kay Rojas nang kunin ang kanyang premyo, kasama ang kanyang misis, sa tanggapan ng PCSO sa Quezon City nitong Marso 3.

Nakatira ngayon sa isang makeshift house at napilitang ipadala sa Cebu City ang limang anak upang makaiwas sa hirap ng buhay nilang mag-asawa, naluluha ang 56-anyos na jackpot winner nang dumating sa PCSO, ayon kay Rojas.

Sa kuwento ng jackpot winner, sinabi nito kay Rojas na kinailangan pa nitong mangutang ng pasahe nilang mag-asawa nang inililihim ang tungkol sa pagkakapanalo sa lotto. Inabot pa umano ng ilang araw bago sila nakahiram ng pera, ayon kay Rojas.

Tumataya sa lotto simula noong 1995, natumbok ng P20 niyang taya sa “Lucky Pick” ang kumbinasyong 02-10-13-26-27-41 para masungkit ang P23,683,644 jackpot prize.

Sinabi ng jackpot winner na bibili siya ng bagong bahay, isang house and lot compound sa Cebu City para sa kanyang mga anak at magbubukas ng isang negosyo. (Edd K. Usman)