Tatangkain ng Adamson University (AdU) na makumpleto ang target na limang sunod na kampeonato sa pagsagupa nila sa University of the Philippines ngayon sa UAAP Season 77 softball Finals sa Rizal Memorial Baseball Stadium.

Umaasa si Lady Falcons coach Ana Santiago na makukumpleto na nila ang misyon sa pagtutuos nila ng Lady Maroons sa Game 2 ng kanilang finals duel sa ganap alas-9:00 ng umaga.

“This is the first time that we have one day preparation in between championship games. We will make some adjustments,” ani Santiago na siya ring mentor ng multi-awarded Blu Girls.

Hindi pa natatalo matapos ang 61 laro mula noong 2011, target ng Lady Falcons ang kanilang ika-14 na pangkalahatang titulo.

SP Chiz, nilinaw na hindi Senate President ang papalit kapag na-impeach si VP Sara

Sila ang pumapangalawa sa kasalukuyang most winningest team na Far Eastern University (FEU) na hindi na muling nagpasok ng team mula nang ibalik ang softball sa calendar of events noong 1995 na may 20 titulo.

Tatangkain ng Lady Falcons na masundan ang naitalang 6-0 panalo noong Martes sa simula ng kanilang duwelo ng UP.

Nahaharap naman sa matinding hamon upang talunin ng tatlong beses ang Lady Falcons, sisikapin ng Lady Maroons na magawa ang kanilang hinahangad na misyon.

“We will bounce back, that’s the plan,” ani UP coach Kiko Diaz.

At upang maisakatuparan ito, kinakailangan ni UP pitcher Cochise Diolata na iangat pa ang kanyang laro upang mapigil ang Lady Falcons, at maging ng kanilang sluggers na sina Isabelle Mendoza at Chantel Bongat.