Paulit-ulit ang mga pahayag na si Presidente Aquino ay walang dapat ihingi ng paumanhin hinggil sa malagim na Mamasapano massacre na ikinamatay ng 44 SAF commando. Ibig sabihin, malabong marinig ng sambayanang Pilipino ang mga katagang “I am sorry” mula sa Pangulo. Hindi niya susundin ang pakiusap ng kanyang mga “boss”. Nangangahulugan din ba na hindi niya tutularan si dating Presidente Arroyo? Magugunita na walang kagatul-gatol na binigkas ng dating Pangulo ang “I am sorry” kaugnay ng masalimuot na ‘Hello Garci’ scandal noong kanyang panunungkulan.
Subalit lalong tumitindi ang panawagan ng mga mamamayan na ang Pangulo ay marapat lamang mapagpakumbaba sa paghingi ng paumanhin sa kanyang umano’y mga pagkukulang. Si Senador Sergio Osmeña, halimbawa, ay tandisang nagpahayag na hindi matatakasan ng Pangulo ang mga pananagutan sa nabanggit na madugong labanan sa Mamasapano, Maguindanao. Binigyang-diin niya na batid na ng taumbayan kung sino ang may kasalanan sa naturang insidente.
Ganito rin ang paniniwala ng mag-asawang Peping at Tingting Cojuangco – tiyuhin at tiyahin ng Pangulo. Isipin na lamang na sa kabila ng kanilang malapit na pagkakamag-anak, sumulpot ang mistulang kawalan ng mabuting pamamahala sa kasalukuyang administrasyon. Ipinahiwatig ng mag-asawa na marapat na akuin ng kanilang pamangkin ang responsibilidad sa malagim na insidente.
Maging si dating Presidente Ramos ay paulit-ulit na nananawagan sa Pangulo na maging maginoo sa pagtanggap ng mga pananagutan sa mga kapalpakan na nagaganap sa pamahalaan. Partikular na rin dito ang pagtuturuan sa labanan sa Mindanao. Pananagutan ng Pangulo, bilang commander-in-chief, ang anumang operasyon na isinasagawa ng mga pulis at militar.
Madamdamin subalit tumitimo ang panawagan ng ilang Catholic prelates: Humility is a sign of true leadership. He should accept responsibility. Genuine leaders never pass the buck. Sa kabila ng mga panawagang ito, si Presidente Aquino lamang ang makapagpapasiya kung sino ang kanyang susundin – ang kanyang mga “boss” o ang kanyang konsiyensiya.