Sumusugat ang mga salita. Madaling nawawala ang hapdi ng pagkakasugat dulot ng kutsilo sa paghiwa ng gulay o ng pagkakauntog sa pinto ngunit maaaring umabot ng taon ang kirot na dulot ng masasakit na salita.

Sa mga bata, kung ano ang hitsura mo, iyon ang itatawag sa iyo. Kaya kung maitim ka, ikaw si “Nognog” mula sa salitang “Sunog”. Kung ikaw ay duling, ikaw si “Dokleng”. At kalimitang nauuwi ito sa away sapagkat nasasaktan ang tinawag sa pangit na pangalan.

Sa kaso ko, ang pinakamasakit na salita ay “Bukbok” – ang pangalang ibinigay sa akin ng aking mga kaklase noong nasa high school pa lamang ako. Siguro naman alam mo na kung ano ang bukbok. Ito ang pagkaagnas ng kahoy kapag pinamahayan ng anay at natitiyak kong nakakita ka na nito. Nakakadiri di ba? Puno kasi ng taghiyawat ang magkabila kong pisngi at noo. May nakapagsabi nga na kapag tutubuan pa ako ng bagong taghiyawat, wala nang pupuwestuhan ito sa binubukbok kong pagmumukha.

Ngayon, wala nang tumatawag sa akin ng “Bukbok” at natatawa na lamang ako kapag naaalala ko ang panahong iyon na nasa high school pa ako. Pero noon kapag tinawag akong ganoon, nasasaktan talaga ang aking damdamin at ganoon na rin ang pagtingin ko sa aking sarili.

National

Meralco, may dagdag-singil ngayong Pebrero

Ngunit hindi ganoon ang tawag sa akin ng aking mga magulang. Tinatawag nila akong “Palangga”, salitang Bisaya na ibig sabihin ay “Pinakamamahal”. At iyon ang tawag nila sa akin simula nang magkamalay ko at magpahanggang ngayon; maging ano man ang aking hitsura.

Siguro naranasan mo na rin ang tawagin ka sa ibang pangalan noong paslit ka pa. Tinutukso ka ng iyong mga kalaro dahil sa kakaiba mong hitsura na hindi mo tanggap. At malamang na tinatawag ka pa rin sa pangit na pangalan magpahanggang ngayon.

Naniniwala akong darating ang araw na bibigyan ka ng Diyos ng bagong pangalan. Isang pangalan na mahal ng Diyos at katanggap-tanggap sa iyio. At malambing Niyang bibigkasin ang bago mong pangalan at sa tinig na tigib ng pagmamahal sa iyo.