Tulad ng ibang sektor ng mga manggagawa, ang mga guro ay laging humihirit sa gobyerno hinggil sa pagtaas ng kanilang suweldo. Ito ay idinudulog nila hindi lamang sa Malacañang kundi maging sa Kongreso na may kapangyarihang magpatibay ng batas tungkol sa salary increase.
At tulad nga ng labor sector, ang iba’t ibang grupo ng mga guro ay maykarapatan ding humingi ng dagdag na sahod. Ang mga manggagawa ay nakatutulong nang malaki sa pag-aangat ng ekonomiya ng bansa; samantalang ang mga guro ay gumaganap ng mahalagang misyon sa paghubog ng kaisipan ng mga mag-aaral at sa pagpapataas ng kalidad ng edukasyon. Bukod pa rito ang pagganap nila ng makabayang tungkulin tuwing may halalan; malimit na nasusuong sa panganib ang kanilang buhay.
May makataong batayan din naman ang paghingi ng dagdag na benepisyo ng mga guro. Kailangan nilang matugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at ng iba pa nilang pangunahing pangangailangan. Lalo na ang tumataas na halaga ng mga produkto ng langis; bukod pa rito ang patuloy na nagbabantang water at electric bills.
Subalit ang kanilang walang kupas na paglalambing ay lagi namang binibigo ng administrasyon ni Presidente Aquino. Nagiging dahilan tuloy ito ng paghahambing ng kasalukuyang pangasiwaan at ng nakalipas na administrasyon ni Presidente Arroyo. Pinatunayan ng iba’t ibang grupo ng mga guro na halos sunud-sunod ang pagtataas ng kanilang suweldo at pagtanggap ng iba pang benepisyo noong panahon ni Arroyo. Maaaring ang kasalukuyang administrasyon ay maysorpresang biyaya naman para sa kanila.
Sa pagsusulong ng pay hike ng mga guro, marapat ding isaalang-alang ang mga pananaw hinggil sa pagbaba ng kalidad sa pagtuturo sa mga paaralan. Lumilitaw sa mga obserbasyon na bumababa ang bilang ng mga pumapasa sa Licensure Examinations for Teachers (LET). Nagiging dahilan ito ng pagbaba ng kalidad ng mga guro na humahantong sa pagbaba ng kalidad ng edukasyon sa bansa.
Higit na nakararami ang mga guro, kung sabagay, na nakatutulong nang malaki sa pagpapataas ng kalidad ng pagtuturo. May kabuluhan ito sa pagpapatupad ng pay hike.