Ito ang ikaapat na bahagi ng ating paksa tungkol sa mga obvious na aral sa buhay na paulit-ulit mong naririnig ngunit nalilimutan naman agad. Nabatid natin kahapon na hindi dapat natin hinihintay na dumating ang suwerte kundi tayo mismo ang gagawa ng ating magandang kapalaran sa pamamagitan ng pagkilos tungo sa iniisip natin para sa ating kinabukasan.
Ipagpatuloy natin..
- Magpatawad ka sa nagkasala sa iyo. – Hindi mo kailangang maghintay na humingi tawad ang taong nagkasala sa iyo. Mas magaan ang buhat at pakiramdam kung patawarin mo na lang ang lahat ng nagkasala sa iyo kahit hindi na sila humingi ng paumanhin. Magpasalamat ka na lang sa iyong mga naranasan – positibo man o negatibo ito. Matutuhan mo sanang hanapan ng aral ang bawat pagkakamali na nagawa sa iyo. Na ang pagkikimkim ng galit ay pag-aaksaya lamang ng panahon at lakas at ninanakawan ka nito ng kaligayahan araw-araw. Kapag nagagalit ka sa isang tao, para na ring hinahayaan mo siyang mamalagi sa iyong isip, na nangngugulo, nang-iinis, nangungutya, pinagtatawanan ka. Ang kapatawaran ay isang pangako na dapat mong tuparin. Kapag nagpatawad ka, nangangako ka sa sarili mo na hindi mo hahayaang saklawin ng nakalipas ang iyong kasalukuyan. Kapag may humingi ng tawad sa iyo, tanggapin mo ang kanyang pagsusumamo – sapagkat sa pagpapatawad, dalawa ang lumalaya: ang iyong pinatawad at ang iyong sarili.
- May mga tao na sadyang hindi bagay sa iyo. – Magiging matino ka kung lagi mong kasama ang matitino. Magiging masaya ka kung kapiling mo ang masasaya. Kaya paligiran mo ang iyong sarili ng mga taong magbibigay sa iyo ng inspirasyon, na mag-uudyok sa iyong gumawa ng kabutihan, na papangaralan ka sa iyong mga kamailan. Alisin sa iyong listahan ng mga kaibigan at kakilala ang mga taong nagbibigay sa iyo ng sama ng loob, na wala nang ibang magaling kundi sila. Huwag ipuwersa ang iyong sarili sa mga taong makasarili, mayayabang, at walang ibang nakikita kundi ang kamalian ng kanilang kapwa. Hindi sila nababagay sa iyo, at hindi ka rin nababagay sa kanila.
Tatapusin bukas.