Kinasuhan ang isang testigo sa tinaguriang “Maguindanao Massacre” matapos pumasok sa piitan kung saan isinasagawa ang pagdinig sa kaso malagim na pamamaslang ng 53 katao gamit ang ID ng isang “barangay official.”
Naghain ng kaso ng falsification of public document sa Taguig City Prosecutors’ Office sina Private Prosecutor Nena Santos at Maria Gemma Oquendo laban kay Nickardo Uy Malang, tumatayong testigo para kay dating Mayor Andal Ampatuan Jr. ng Datu Unsay, Maguindanao na kabilang sa kinasuhan sa karumaldumal na krimen.
Hindi na nakahirit si Malang kung hindi aminin sa korte na inihanda para sa kanya ang pekeng ID ng kanyang mga kaibigan.
Nais din nina Santos at Oquendo na kasuhan ng usurpation of authority si Malang dahil sa pagpapanggap nya bilang isang barangay secretary nang pumasok sa Quezon City Jail-Annex sa Camp Bagong Diwa, Taguig City kung saan nagaganap ang pagdinig.
Iprinisinta ni defense lawyer Salvador Panelo si Malang bilang testigo noong Pebrero 26 hinggil sa petition for bail na inihain ni Ampatuan.