Winalis ng Philippine Marines ang tatlong nakatayang korona sa men’s, women’s at mixed division sa unang tatlong serye ng El Lobo PCKF Dragon Boat Challenge Series 2015 na ginanap noong Linggo na Manila Bay, Roxas Boulevard sa Maynila.

Dinomina ng Marines ang pinaglabanang 300 metrong distansiya tungo sa pagtipon ng nakalaang puntos na nakatakda para sa unang serye, bukod pa sa agad na napaganda ang tsansang masungkit ang pangkalahatang kampeonato matapos ang tatlong laro.

Sinabi ni PCKF president Jonne Go, kasama ang head coach na si Lenlen Escollante, na isinagawa ang tatlong serye ng dragon boat race bilang bahagi ng kanilang paghahanap sa mga dagdag na manlalaro para sa isasaling mga koponan na sasabak sa SEA Games sa Singapore sa Hunyo 5 hanggang 16.

Gaganapin naman ang ikalawang serye sa Hulyo habang ang ikatlo at huling serye ay itinakda naman sa Disyembre.

National

Mayor Baste, 'di totoong aarestuhin ng 40 pulis sa Davao

Unang sinungkit ng Philippine Marines ang 1:33:32 oras para sa nakatayang korona sa women’s division. Pumangalawa ang Sagwan Tanauan (1:36:09), ikatlo ang Philippine Titans (1:36:59) at ikaapat ang Pyros (1:37:17).

Ilang sandali lang ang lumipas ay kinulekta naman ng Philippine Marines ang mixed category sa itinalang 1:11:50 at iniwanan sa ikalawa ang Laguna Rapids (1:12:62), ikatlo ang Philippine Titans (1:14:71) at ikaapat ang Alab Sagwan (1:15:21).

Huling iniuwi ng Philippine Marines ang tampok na men’s division sa itinalang 1:10:39 kung saan ay muli nilang binigo ang Laguna Rapids (1:11:56 ). Pumangatlo ang Sagwan Tanauan (1:12:43) at ikaapat ang Alab Sagwan Pilipinas (1:13:18).

Pinaglabanan sa isang araw na karera ang 20-seater men’s category, 10-seater women’s division at ang 20-seater mixed division na suportado ng PSC, POC, Hukbong Dagat ng Pilipinas, Maynilad, Lungsod ng Maynila, Philippine Coast Guard at Wilson Go, may-ari at General Manager ng Refreshment Republic Incorporated.

Kabuuang 11 koponan ang sumabak sa women’s category na kinabibilangan ng Philippine Marines, University of the Philippines (UP), San Beda, 1925, Philippine Titans, Laguna Rapids, Sagwan Tanauan, Pyros, PDRT, Manila Dragons at Aqua Fortis.

May 13 kalahok naman sa men’s division na kinapalooban ng Philippine Marines, Alab Sagwan, Laguna Rapids, PDRT, Sagwan Tanauan, Crimson Dragons, Philippine Titans, Manila Dragon, MBP, Sag-1, Pyros, San Beda at 1925.

Umabot sa 14 ang sumabak sa mixed division na kinabilangan ng Pagsanjan Laguna Rapid Paddlers, Philippine Marines, Philippine Titans, PDRT, Alab Sagwan Pilipinas, San Beda, Manila Waves, Manila Dragons, Pyros, Aqua Fortis, MBP, University of the Philippines, Crimson Dragons at Sag-1.