WALANG nagpadala ng mga rosas at tsokolate kay LJ Reyes noong Araw ng mga Puso at wala rin siyang date dahil may trabaho siya, pero hindi naman niya itinanggi na binati siya ng ‘Happy Valentine’s Day’ ng manliligaw niyang si JC de Vera na may trabaho rin nang araw na iyon.

“Okay lang, saka hindi na uso ‘yan, ha-ha-ha! Maging practical na tayo,” tumatawang sabi ni LJ nang interbyuhin namin kasama sina Rochelle Pangilinan, Geoff at Gabby Eigenmann sa mini-presscon na ipinatawag ng PPL Entertainment.

 

Sinegundahan ni Gabby si LJ na gastos lang ang pagbibigay ng flowers and chocolate.

Kitty Duterte sa kaarawan ni FPRRD: 'His love goes beyond his commitment'

 

Hindi muna siniseryoso ni LJ ang pagpasok sa relasyon.

“Saka na, okay naman kami (JC) as friends, close kami kasi nagkasama na kami before kaya kilala ko na siya, okay kami, pero walang relasyon. Ipon muna, maraming kailangan pang unahin, same thing with him (JC), ganu’n din siguro siya,” say ni LJ.

 

Ang bulaklak na natanggap ni LJ ay buhat sa anak niyang si Aki na puring-puri niya dahil sa murang edad ay marami nang naiintidihan sa buhay.

 

“Like ‘yung hindi kami magkasama ng bahay ng daddy niya, alam niya na may kanya-kanya kaming bahay,” say ni LJ.

 

May naisulat kamakailan na nakilala na ni Aki ang rumored girlfriend ng Papa Paulo Avelino nito na si KC Concepcion, ano ang reasyon ni LJ dito.

 

“Nabalitaan ko rin, okay lang, wala naman kaso sa sa akin.  Kung sakaling magtutuluy-tuloy sila ni Pau (tawag kay Paulo), eh, at least kilala na siya ni Aki,” kaswal na sagot ng aktres.

 

Ano ang kuwento ng anak sa pagkikita nila ni KC?

“Ay, alam mo, ‘yan ang namana yata ni Aki kay Pau, ‘yung hindi madaldal, tahimik lang. Minsan kasi tinanong ko kung kumusta sa school, hindi siya nagkukuwento, tahimik lang. Minsan sobrang daldal, kaya hinahayaan ko lang na magkuwento kasi kapag tinatanong ko, wala, tahimik,” sagot ni LJ.

Normal na pagpapalaki sa bata ang ginagawa ni LJ sa anak, pinaglalaro niya ito sa labas ng bahay nila at hinahayaang marumihan.

 

“Naku, para siyang papel sa sobrang puti kasi nga, di ba, si Pau, may halong Spanish, ‘tapos ako Chinese, so hayun, sobrang puti, kaya sabi ko, lumabas siya ng bahay, makipaglaro siya sa mga bata, sa arawan, eh, hindi naman nangingitim, mamumula lang.

 

“Hindi ko siya kinukulong sa bahay, gusto ko maglaro siya sa kalsada, may mga puno kasi sa amin kaya hinahayaan ko siyang magtatakbo doon, ayokong nasa bahay lang siya, gusto kong maranasan niya ‘yung larong bata. Hindi ko rin siya masyadong pinaglalaro ng tablet kasi ang bata kapag nasanay sa tablet, nagiging mainitin ang ulo kasi nga nasanay na madali nilang nakukuha ‘yung gusto, isang pindot lang. May oras ang paglalaro niya sa computer,” masayang kuwento ni LJ tungkol sa anak.

 

Aminado si LJ na ni minsan ay hindi nagmintis ng pagpapadala ng sustento sa kanilang anak si Paulo at sa murang edad ni Aki ay may investment na ito dahil doon inilalagay ng aktres ang sobrang pera ng anak.

 

“Ano kasi, hindi naman magastos si Aki, kapag may sobra, iniipon ko, ‘tapos may pinaglagyan ako na puwedeng sabihing investment para ‘pag nangailangan si Aki, eh, di may madudukot siya.

 

“In fairness to Pau, on time talaga siya sa anak niya, okay kami ngayon like kapag busy ako, sa kanya ko muna inihahabilin si Aki at ilang araw sa kanya, kapag busy naman siya, magsasabi siya na hindi niya masusundo si Aki. So, wala kaming isyu pagdating kay Aki,” kuwento ni LJ.