Ipinasisibak ni Ombudsman Conchita Carpio Morales sa serbisyo si Medical Center Chief II Bernardino Vicente ng National Center for Mental Health (NCMH) makaraang mapatunayang nagkasala sa kasong grave misconduct dahil sa pagbalewala sa utos ng Office of the Ombudsman.
Base sa record, Setyembre 2008 nang nagpalabas ng utos ang Ombudsman para suspendihin ni Vicente si NCMH Chief Administrative Officer Clarita Aguilar dahil sa paglabag sa Section 8 ng RA 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees).
Nabatid na noong Hunyo 2010 ay sumulat pa ang tanggapan ng Legal Affairs kay Vicente para ipaalam dito na ang preventive suspension order laban kay Aguilar ay executory at ang kabiguang maipatupad ito ay maaari na itong isailalim sa disciplinary action.
Idiniin ng Ombudsman na bilang pinuno ng ospital ay dapat na agad tumalima si Vicente sa direktiba ng ahensiya na isailalim sa preventive suspension si Aguilar matapos isnabin ng Ombudsman ang naisampang motion for reconsideration ni Aguilar kaugnay ng kaso nito.
Setyembre 2010 nang napatunayang nagkasala si Aguilar sa naturang kaso kaya pinatawan ito ng Ombudsman ng isang taong suspensiyon nang walang sahod.
Muling iniapela ni Aguilar ang kanyang kaso ngunit muli itong binalewala ng Ombudsman noong Oktubre 2010.
Bukod sa nabigong ipatupad ang suspensiyon, pinayagan pa ni Vicente si Aguilar na makakuha ng housing privileges sa panahong dapat ay suspendido ito.
Bukod sa pagsibak sa serbisyo, iniutos din ng Ombudsman na hindi makatatanggap ng retirement benefits si Vicente, bukod pa sa kakanselahin ang eligibility nito at hindi na maaaring magtrabaho sa alinmang tanggapan ng gobyerno.